Apat na kabulaanan ni BBM sa kampanya

TIGILAN na sana ni Bongbong Marcos ang maling pagpapakilala sa 12 kandidato niya para senador. Palagi niya sinasabi na hindi nila kinanlong ang POGOs, hindi sumuko sa China, hindi nandambong nu’ng pandemya, at hindi pumatay nu’ng madugong drug war ni Rody Duterte.
Hindi akma ang mga ‘yon sa sariling Ate Imee ni BBM:
(1) Nu’ng Sep. 22, 2021 pinirmahan ni Duterte ang pagbubuwis mula sa POGOs. Si Imee ang umakda ng batas. May litrato pa sina Imee at POGO operator Bamban Mayor Alice Guo nu’ng Halalan 2022.
(2) Nu’ng June 1, 2022 nang maging chairman si Imee ng Senate foreign affairs committee, iginiit niya na maski may sentimyentong kontra China ang mga Pilipino, hindi kuno nanlusob ang kapitbansa sa Pilipinas.
Mali! Inagaw ng China nu’ng 1989 ang anim na bahura ng Pilipinas sa loob ng exclusive economic zone natin: Kagitingan, Zamora, Calderon, McKennan, Mabini, at Burgos. Nu’ng 1995 kinonkreto ng China ang Panganiban Reef, 2012 inukupa ang Panatag Shoal, at 2017 pinaligiran ang Sandy Cay.
Taun-taon hinaharang ng China ang Julian Felipe Reef. Nu’ng 2024 pinalibutan nila ang Rozul at Escoda Shoal sa Recto Bank.
(3) Nalantad sa Senate Blue Ribbon Committee na dumambong ang Pharmally Pharmaceuticals Corp. ng P12.7 bilyon mula sa gobyerno. Peke at substandard na pandemic supplies ang ibinenta ni Michael Yang, special economic adviser ni Duterte na idulo ni Imee. Tumanggi si Imee na pirmahan ang BRC report.
(4) Kontra si Imee sa paglitis ng International Criminal Court kay Duterte para sa pagpatay sa 7,000 sinuspetsahang pushers nu’ng 2016-2019. Kesyo raw dapat sa korte sa Pilipinas isakdal si Duterte. Siyam na taon na mula 2016, pero wala pa ring habla kontra kay Duterte.
Huwag na sanang ulitin ni BBM ang mga maling pangako.
- Latest