Panagutin, lumapastangan sa pine trees sa Baguio
IIMBESTIGAHAN na ng konseho ng Baguio City ang pagkamatay ng 51 pine trees sa Bgy. Pucsusan na kasalukuyang tinatayuan ng condominium ng SMI Development Corporation.
Mahigit na 40 pine trees pa ang pinangangambahang mamatay dahil sa tuluy-tuloy na earth-moving at iba pang konstruksiyon sa lugar.
Subalit tinuldukan na ng Department of Environment and Natural Resources-Cordillera (DENR-CAR) na walang illegal tree-cutting sa lugar kundi namatay ang 51 pine trees dahil sa natabunan ng lupa ang mga ugat nito na naging dahilan ng pagkamatay.
Maselan ang pine tree. Kapag nasakal ang paghinga nito, kasama na ang mga ugat, unti-unting matutuyo hanggang mamamatay.
Hindi ba kataka-takang nagawaran ng Environmental Compliance Certificate (ECC) at clearance mula sa Protected Area Management Board ang proyekto ng SMI Development Corporation kahit ang proyekto’y nasa multi-use zone ng Lower Agno Watershed Forest Reserve?
Paliwanag ng DENR, ang Baguio City daw ang may saklaw sa isyu gayong may Environmental Code ang siyudad na sinusunod.
Mabuti’t nagbaba na ang Baguio City Environment and Parks Management Office (CEPMO) ng stoppage order at notice of violation. Sana’y hindi lamang hanggang plano kundi mauwi sa pagsasakdal sa SMI Development Corporation sa paglabag nito sa Baguio City Environment Code.
Sana, hindi ito matulad sa masaker ng 700 pine trees sa 3,114 ektaryang Mt. Santo Tomas Forest Reserve sa Tuba, Benguet noong 2014 na sa kabila ng paggawad ng Supreme Court ng Permanent Environment Protection Order (PEPO) ay malaya pa rin ang mga salarin sa paglabag sa batas ng kalikasan.
* * *
Para sa reaksiyon o komento, i-send sa: [email protected]
- Latest