Gen. Torre, kinasuhan ang blogger na nanira sa kanya
SINAMPAHAN ng kasong cyber libel ni CIDG chief Maj. Gen. Nicolas Torre III ang blogger na si Ernesto Abines Jr., dahil sa ipinost nito sa social media na nakaratay daw sa ospital ang general.
Ang post ay nakaapekto nang labis sa pamilya at kaibigan ni Torre. Isinampa ni Torre ang kaso sa sala ni Judge Soliver Peras ng Cebu City Regional Trial Court. Makaraang ilabas ang warrant, sinalakay ng mga tauhan ni Torre ang bahay ni Abines sa Cebu City noong nakaraang Sabado.
Naging maayos ang pagsalakay ng CIDG. Naging cooperative at kalmante naman umano si Abines habang hinahanap ang mga gadgets at iba pang gamit ng blogger. Nakumpiska ang Redmi cell phone, Samsung cell phone at laptop na naglalaman ng incriminating evidence.
Napag-alaman ko na si Abines ay supporter ni Vice President Sara Duterte. Pinabulaanan naman ni Abines ang akusasyon.
Humanga ako kay Torre dahil sunud-sunod ang accomplishment niya na nagsimula noong Setyembre 8, 2024 nang maaresto niya si Kingdom of Jesus Christ (KOJC) founder Pastor Apollo Quiboloy at limang iba pa sa compound nito sa Davao City. Si Quiboloy ay may mga nakasampang kaso gaya ng qualified human trafficking at child abuse. Nakapiit si Quiboloy at mga kasama sa Pasig City Jail.
Kasunod nang pagkakaaresto kay Quiboloy, ang kontrobersiyal na pangyayari naman sa Batasan Complex ang naiatang sa balikat ni Torre. Siya ang nangasiwa nang isugod sa ospital ang staff ni Vice President Sara Duterte dahil sumama ang pakiramdam matapos ang imbestigasyon ng House quad committee. Ang imbestigasyon ay may kaugnayan sa hindi maipaliwanag na milyong pisong intelligence fund ng Office of the Vice President. Nang ilipat sa Veterans Hospital ang staff ni Sara, sinubaybayan iyon ni Torre.
Noong nakaraang linggo naman, sinampahan ng kasong sedition at unlawful utterances ni Torre si dating President Rodrigo Duterte dahil sa bantang ipapapatay nito ang 15 senador para tiyak na makapasok ang kanyang mga manok sa 2025 senatorial elections sa Mayo. Pasasabugin daw niya ang senado.
Sabi ni Torre dapat iwasan ang mga ispekulasyon na maaaring magdulot ng pagkakawatak-watak. Ayon pa kay Torre, dapat igalang ang prosesong legal dahil bagaman itinuturing na biro ang sinabi ng dating Presidente, para sa kanila dapat seryosohin ito dahil nag-uudyok ito ng karahasan.
Marami pang kontrobersiyal na kaso ang maiaatang sa balikat ni Torre at kaya naman niya itong lutasin.
- Latest