Kapaki-pakinabang na proyekto ni Oto Castro
WALANG kalaban sa pagka-governor si incumbent Gov. Fredeneil “Oto” Castro sa nalalapit na May 12, 2025 elections. Pero sa kabila nito, tuluy-tuloy parin ang kanyang mga kapaki-pakinabang na proyekto para makapagbigay ng trabaho sa mamamayan. Sinusuportahan niya ang pagpapaunlad sa edukasyon at pagpapabuti sa kalusugan. Tinutugunan niya ang problema ng mga magsasaka.
Kamakailan, pinangunahan ni Castro ang river basin project upang mailihis ang pagdausdos ng tubig baha na nagmumula sa second district ng Capiz na 60 taon nang problema ng mga taga-first district.
Ginawa ito ni Castro para hindi na maulit ang bahang nangyari noong Abril at Oktubre 2022 nang manalasa ang mga Bagyong Agaton at Paeng.
Nalaman ko na si Castro lamang ang may project na ganito pero naisakatuparan niya. Yung ibang nagdaang governor ay pawang umpisa lamang umano.
Malaking bagay ang ginawa ni Castro para sa mga Capiznon dahil maisasalba na ang mga palayan at palaisdaan tuwing may baha. Kaya malaki ang pasasalamat ng mga Capiznon kay Castro dahil naisakatuparan ang proyektong river basin.
Kamakailan pinasinayaan ni Castro ang Roxas City Memorial Hospital diyan sa Crossing Lanot. Ipinahayag niya na kulang na kulang sa mga nurses ang hospital kaya nais niyang magkaroon ng nursing courses ang Capiz State University (CAPSU).
Maisasakatuparan ito sapagkat malaki ang ibinibigay na suporta rito ng governor’s office at mga local government units (LGUs). Kung magtatagumpay na magkaroon ng nursing course sa CAPSU, hindi na kukulangin sa mga nurse ang hospital na nasa hurisdiksyon ng LGUs na Capiz.
Sa tingin ko, akma ang mga proyekto ni Castro na dapat na suportahan ng mga pulitiko sa rehiyon. Ibinubuhos ni Castro ang kanyang kaalaman sa pulitika at pakikisalamuha sa mga kababayan niya upang maabot ang mga pangangailangan ng mga ito.
Ang mga nagdaang pulitiko ay sa una lamang magaling. Kapag nakaupo na, ang bulsa nila ang unang pinupuno ng pera. Sa halip na ibuhos ang mga proyekto para sa kanyang mga constituent, sarili ang inuuna.
Pinagtutuunan din ni Castro ngayon ang pagpapatanim ng mga niyog sa mga gilid ng kabundukan. Ayon sa kanya, kailangang magkaroon ng mga niyog upang mapigil ang soil erosion. Matibay ang ugat ng niyog na sumisipsip din ng tubig kapag bumabaha.
Malaking bagay kapag niyog ang itatanim dahil maraming mapapakinabangan. Mula sa ugat, katawan, ubod, palapa, dahon, bunga at maski ang bao. Lahat ay napapakinabangan kaya nga tinatawag itong “golden tree”.
Kaya nararapat suportahan ng mga Capiznon si Castro sapagkat marami siyang proyekto na kapaki-pakinabang. Natitiyak ko na marami pa siyang magagawa sa hinaharap.
- Latest