Kleptokrasya dapat na nating wakasan
KLEPTOKRASYA ang tawag sa gobyerno ng magnanakaw. Galing sa dalawang salitang Greek: kleptes, pagnakaw; kratia, pamumuno.
Matandang salita na ‘yan, anang Oxford English Dictionary. Taong 1819 ay ginamit na ni makatang British Leigh Hunt.
Paulit-ulit binansagan na kleptokrasya ang pangulohan ni Ferdinand Marcos Sr. at First Lady Imelda Romualdez-Marcos. Ito’y dahil sa pandarambong nilang mag-asawa sa ilalim ng martial law.
Umabot sa $30 bilyon ang kinulimbat nila, anang Presidential Commission on Good Government. Kaparte si Marcos sa mga kita at lupain ng cronies niya. Si Imelda ay kumuha ng pera sa GSIS at iba pang ahensiya para pang-shopping ng $2 milyon maghapon lang sa New York.
Matapos pabagsakin ng People Power sina Marcos at Imelda bumalik ang lumang pulitika. Inulit ng Kongreso ang pork barrels. Kumontrol ng mga industriya ang angkan ng sunud-sunod na Pangulo.

Hinatulan ng habambuhay na kulong si President Erap Estrada, pero pinatawad ni President Gloria Arroyo. Nakalusot naman si Arroyo sa maraming anomalya: NBN-ZTE, PNP chopper scam, at iba pa.
Inalis ni President Noynoy Aquino si Chief Justice Renato Corona dahil sa tagong yaman. Pero binigyan niya ng tig-P150 milyong pork barrels ang mga senador sa impeachment trial.
Nawili ang mga pulitiko sa pagpapalago ng kani-kanilang dynasties. Bukod sa Senado at Kamara de Representantes, hinawakan nila ang gabinete, mga probinsya, lungsod at munisipalidad.
Galing sa dynasties sina President Rody Duterte at Bongbong Marcos. Sumapi sa supermajority ng Kongreso ang kanilang mga kapwa dynasts. Walang ginagawa ang mga senador at kongresista kundi itago sa likod ng batas ang pork barrels.
Paulit-ulit hinahalal ng mangmang na botante ang mandarambong. Paulit-ulit silang pinuprotektahan ng AFP.
- Latest