EDITORYAL - Kaso ng dengue tuloy sa pagdami

NOONG nakaraang buwan, sinabi ng Department of Health (DOH) na mababa ang naireport na kaso ng dengue sa buong bansa. Ayon kay DOH Assistant Secrerary Albert Domingo, mula Enero 1-18, nasa 10,842 na kaso ng dengue ang naireport. Mas mababa ito kumpara noong nakaraang taon sa parehong buwan na 11,781 na kaso ng dengue ang naireport.
Pero noong Sabado, biglang nagdeklara ang Quezon City government ng dengue outbreak dahil patuloy ang pagtaas ng kaso. Sa rekord ng City Epidemiology and Surveillance Division (CESD) ng Quezon City Health Department, mula Enero 1 hanggang Pebrero 14, 2025, umabot na 1,769 na ang kaso ng dengue sa lungsod. Mataas ito ng 200 percent sa kasong naitala noong 2024 sa kaparehong buwan. Ayon pa report, 58 percent nang tinamaan ng dengue ay mga bata na may edad na 5 hanggang 17.
Agad pinakilos ni Quezon City Mayor Joy Belmonte ang lahat ng assets at resources upang mapigilan ang pagdami ng dengue. “Our declaration of a dengue outbreak ensures that we are on top of the situation, and we are doing everything we can to protect our residents from this deadly disease, especially our children,” sabi ni Belmonte. Ayon pa sa mayor, lahat ng QC Health Centers ay bukas tuwing Sabado at Linggo. Naglatag din ng fever express lane sa lahat ng city’s health centers at hospitals upang magamot ang QCitizens na may dengue.
Bukod sa Quezon City, mataas din ang kaso ng dengue sa Negros Occidental. Ayon sa provincial health office, mula Enero 1-18, 2025, tumaas ng 296 percent ang kaso ng dengue kaysa nakaraang taon sa parehong buwan. Mga bata umano ang biktima ng dengue. Wala namang namatay ayon sa provincial health office.
Pabagu-bago ang panahon—uulan at aaraw. May mga lugar na tinatamaan ng shearline kung saan nagdudulot nang malalakas na ulan at pagbaha. Ang mga binahang lugar ang kadalasang maraming lamok na naghahatid ng dengue.
Ang lamok na Aedes Aegypti ang pinanggagalingan ng dengue. Madaling makilala ang lamok na ito dahil sa guhit na puti at itim sa katawan. Sa araw lang nangangagat ang lamok na ito. Ayon sa DOH, may isa pang lamok na pinanggalingan din ng dengue—ang Aedes albopictus.
Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, pananakit ng ulo at mga kasu-kasuan, pagkakaroon ng rashes, at ang ihi ay kulay kape. Ipinapayo ng DOH na kapag nakaranas ng ganitong mga sintomas, kumunsulta agad sa doktor. Ipinapayo na pagsuutin ng padyama ang mga bata para may proteksiyon sa lamok. Ipinapayo rin ang paggamit ng kulambo at ang 4s strategy. Ang 4s ay: search and destroy breeding places, secure self-protection, seek early consultation at support fooging or spraying in hotspot areas.
- Latest