Paano malulunasan ang dry skin, eye bags at dark circles
Ang kadalasang dahilan ng panunuyo ng balat ay dahil sa matagal na pagligo at paggamit ng matatapang na sabon.
Paano ito malulunasan. Sundin ang mga sumusunod:
1. I-moisturize ang balat – Ang moisturizer ay nagsisilbing pang-tapal sa balat na nakatutulong mapanatili ang magandang balat. Kung ang balat ay sobrang nanunuyo maaaring mag-apply ng oil, habang ang balat ay basa-basa pa pagkatapos maligo. Ang oil ay mas tumatagal sa balat kaysa sa moisturizer.
2. Iwasan gumamit ng matatapang na sabon – Kung may panunuyo sa balat, mas makabubuting gumamit ng cleansing creams, gentle skin cleansers, at bath o shower gels na may kasamang moisturizers. Pumili ng mild na sabon na nagdaragdag ng oil at fats. Iwasan ang deodorant at anti-bacterial detergents na matatapang.
3. Limitahan ang oras ng pagligo – Ang pagligo sa mainit na tubig ng mahabang oras ay nakaaalis ng oils sa balat. Gawing 15 minutos o mababa pa ang pagbabad sa tubig. Gumamit lang ng maligamgam sa halip na mainit na tubig.
4. I-moisturize ang balat pagkatapos maligo – Pagkatapos maligo, dahan-dahang i-dampi-dampi ang towel para tuyuin ang balat upang manatili ang moisture sa balat. I-moisturize agad ang balat gamit ang oil o cream para ma-trap ang moisture sa balat.
5. May tulong ang aircon – Ang mainit na pakiramdam sa loob ng bahay ay nakapagpapalala ng pangangati at pagbabalat. Pumili ng aircon na kaya ng budget at pangangailangan. Siguraduhin na laging malinis ang aircon para makaiwas sa pagbuo ng bakterya at fungi.
6. Gumamit ng mga natural na tela – Ang tela gaya ng cotton, silk ay hinahayaan ang iyong balat ay makahinga. Kung lalabhan ang mga damit, gumamit ng sabon na walang pabango.
7. Kung hindi mapigilan ang pangangati kung nanunuyo ang balat – Maglagay ng cold compress sa mga balat na apektado. Kumunsulta sa dermatologist kung lumala ang kondisyon.
* * *
Mga gagawin para mabawasan ang eye bags at dark circles
May mga nagtatanong kung bakit nagkakaroon sila ng eye bags at dark circles sa ilalim ng mata.
Nagkakaroon ng mga ito kapag sobra ang pagpupuyat, laging kulang sa tulog, sobrang gimik, paninigarilyo at sobrang pag-inom ng alak.
Dahil sa mga ito, nababawasan ang laman sa ilalim ng mata, nasisira ang mga ugat at nangingitim ang mata.
Narito ang tips para mabawasan ang eye bags at dark circles:
1.Matulog ng 7-8 oras bawat gabi.
2.Kung hindi makatulog, humiga lang at ipikit ang mga mata.
3. Magpalamig ng ilang hiwa ng pipino. Ilagay ang pipino sa yelo o refrigerator. Ipikit ang mata at ipatong sa ibabaw ng mata ng 15 minuto. Palitan ang pipino kapag hindi na ito malamig.
4. Puwede ring gumamit ng tea bags. Ilubog ang dalawang tea bags sa maligamgam na tubig. Pagkatapos ay palamigin ito sa refrigerator. Ipatong ang tea bags sa mata ng 15 minuto. Ang sangkap na tannin sa tea ay nakatutulong sa pagbabawas ng pamamaga at pangingitim ng mata.
5. Kung nagmamadali, kumuha ng yelo o pinalamig na kutsara at ipatong ito sa eye bags. Gawin ito ng ilang minuto lang habang malamig pa ang kutsara.
6. Uminom ng 8-10 basong tubig bawat araw. Para hindi dehydrated ang katawan.
7. Umiwas sa nakaka-allergy na bagay o pagkain. Maaring mamaga ang mata kapag may allergy.
8. Iwasang ma-stress.
9. Huwag sumimangot.
10. Panatilihin na laging maging masaya para gumanda at mabawasan ang eye bags.
- Latest