^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Marereporma pa kaya ang PNP?

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Marereporma pa kaya ang PNP?

PATULOY ang mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa pagsira sa imahe ng pambansang pulisya. Mas nakararami na ang mga “anay” na gustong sirain ang haligi ng PNP hanggang sa tuluyan nang bumagsak. Mas nakalalamang ang mga pulis na “naliligaw ng landas”. Lalo pang dumami ang mga lumilinya sa paggawa ng kasamaan. Kaya sa halip na makabangon ang PNP sa lusak, lalo pang nalubog.

Noong Linggo, panibagong dungis na naman sa PNP ang dinulot ng 10 pulis sa Tipas, Taguig dahil sa pag-aresto nila sa isang ginang nang walang search warrant. Bukod sa 10 pulis, sinibak din ang commander ng Tipas Police Station.

Sapilitang pinasok ng mga pulis ang isang tindahan­ at marahas na dinakip ang ginang kahit walang search warrant. Pinagduldulan ng mga pulis ang isang papel sa ginang na umano’y warrant. Tumanggi ang ginang na sumama. Kinunan naman ng picture ng menor-de-edad na anak mula sa cell phone ang mga nangyayari pero pati siya ay inaresto. Inaagaw ng mga pulis ang cell phone.

Dahil ayaw sumama ang ginang, pinagsisira ng mga pulis ang gamit. Ayon pa sa ginang, tinangay din ng mga pulis ang kanilang paninda, pera at cell phone. Sinira rin umano ng mga pulis ang CCTV.

Napapayag ang ginang na sumama sa pulis nang sabihin na dadalhin sila sa barangay hall. Isinakay sila sa police mobile. Ngunit ayon sa ginang, hindi ang direksiyon patungong barangay ang dinaanan ng police mobile. Maaring sa ibang lugar daw sila dadalhin at saka tataniman ng droga.

Biglang tumalon mula sa police vehicle ang ginang. Tumalon din ang kanyang anak nang makita ang ginawa ng ina. Wala namang nangyari sa mag-ina makaraang tumalon sa sasakyan.

Sabi ng National Capital Region Police Office (NCRPO), kapag napatunayang guilty, mahaharap sa suspensiyon, demosyon, dismissal o kasong kriminal ang mga pulis. Sasailalim umano sa pre-charge inves­tigation ang mga pulis. Hinikayat ng NCRPO ang mga witness na maki­pagtulungan sa imbestigasyon.

Wala na bang talagang mangyayaring pagbabago sa mga pulis? Marereporma pa kaya ito ni PNP chief General Rommel Marbil? Apat na buwan na lamang sa puwesto si Marbil at mahirap paniwalaan kung ma­isa­sagawa pa ang pagreporma.

Nang maupo sa puwesto si Marbil noong Abril 1, 2024, sinabi niya sa kanyang talumpati na isasakatuparan daw niya ang mga ninanais ni President Ferdinand Marcos Jr. para sa ikauunlad ng bansa pati na rin ang pagreporma sa pambansang pulisya. Nasaan ang pangako? Bakit patuloy sa pagsira ang mga “anay” sa PNP.

PNP

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with