Mga zoo sa U.S., nag-aalok na ‘gagantihan’ nila ang iyong ex ngayong Valentine’s Day!
HABANG ang iba ay nagdiriwang ng tamis ng pag-ibig, may ilan namang mas gustong ipagdiwang ang pagmo-“move on” sa pamamagitan ng paghihiganti sa kanilang ex-boyfriend o girlfriend.
Mayroon kasing iba’t ibang zoo sa U.S. na nag-aalok ng “revenge service” kung saan puwedeng ipangalan sa ex ang ipis, daga, bulate, o kahit isang tambak ng dumi ng hayop sa ngalan ng closure!
Sa Fort Worth Zoo sa Texas, may “Doo Some Good” campaign kung saan sa halagang $10, may isang kilong dumi ng hayop ang idinidikit at ipapahid sa pangalan ng iyong ex bago ito gamiting pataba sa mga halaman!
Kung gusto mo naman ng medyo brutal na paghihiganti, may “Cry Me a Cockroach” ang San Antonio Zoo. Sa halagang $10, ipapangalan nila ang isang ipis sa ex mo bago ito ipakain sa mga reptile sa zoo.
Kung mas malaki ang galit mo, puwede kang magbayad ng $25 para isang daga bago ito ipakain sa ahas.
Hindi rin nagpahuli ang Brookfield Zoo Chicago, El Paso Zoo, at Bronx Zoo, na may kanya-kanyang “Name an Insect” promo.
Sa maliit na halaga, papangalanan nila ang isa sa kanilang mga insekto gamit ang pangalan ng iyong ex, bago ito maging feeds sa kanilang mga alagang hayop.
Para sa mga may ex na malansa pa sa isda, may “Catch and Release” program ang Lehigh Valley Zoo sa Pennsylvania. Dito, isang isda ang papangalanan sa iyong ex bago ito ipakain sa gutom na penguin.
Sa Columbus Zoo, puwedeng ipangalan sa ex mo ang isang superworm na ipakakain sa sloth bears na sina Randhir at Heiderose. Sa halagang $15, may kasama pa itong Valentine’s Day video kung mag-avail mag-Pebrero 12.
At kung feel mong bumawi nang todo, may “My Bloody Valentine” promo ang WildCat Ridge Sanctuary sa Oregon. Dito, sa halagang $50-$75, ipapangalan nila sa iyong ex ang isang hugis pusong feeds at ipapalapa nila ito sa kanilang wild cat bilang ganti sa naging masalimuot n’yong relasyon.
- Latest