Wag multahan ang kasapian sa hacking ng PhilHealth
SETYEMBRE 2023 inatake ng Medusa ransomware ang database ng PhilHealth. Biglang nag-lock ang access. Nangikil ang hacker ng $300,000 o P16 milyon para alisin ang virus. Apektado tayong 42 milyong miyembro, mga dependents, at retirado. Nabalam ang maseselang operasyon at serbisyo ng PhilHealth.
Isang taong nag-imbestiga ang National Privacy Commission. Nitong Setyembre 2024 lumabas ang pasya. Nagpabaya ang PhilHealth cybersecurity officers sa ilalim ni president-CEO Emmanuel Ledesma.
Disyembre 20, 2024 lang nabunyag ang balita. Tila itinago ito ng PhilHealth management, na hanggang leeg nakalubog sa kontrobersiya.
Ayon sa batas dapat parusahan ang may mga sala. Mumultahan din ang ahensya na nagpabaya: 2 percent ng kinita nu’ng naunang taon—o P4.5 bilyong multa mula sa P225 bilyong kinita ng PhilHealth nu’ng 2022.
Inutos pa ng NPC na lumiham ng paumanhin at pagpapaliwanag ang PhilHealth sa bawat 42 milyong members. Malaking gastos ito sa papel, sobre, tinta, printers, at koreyo. Lampas ng P1 bilyon.
Kung pribadong kompanya ang nagkasala—banko, credit card company, eskwela, ospital, social media—magmumulta sila at malamang masibak ang empleyadong nagpabaya.
Kakaiba ang PhilHealth. Tayong mga miyembro ang may ari nito. Ang pera nito ay buwanang kontribusyon natin mula sa suweldo simula noong 1995. O kaya, sa mga maralita, mula sa parte ng buwis sa sin products: alcohol, tobacco, matatamis.
Sa kapabayaan ng pamunuan, nabiktima tayong 42 milyong kasapi. Alangan namang biktimahin tayo ulit kung sa pera natin manggagaling ang multa at gastos sa liham.
Pagbayarin ang mga nagpabaya. Panagutin si PhilHealth President Ledesma. Idamay si President Marcos Jr. na nagtalaga sa kanya.
- Latest