^

PSN Opinyon

Puwede ka bang  magtrabaho sa Finland?

PINOY OVERSEAS - Ramon M. Bernardo - Pilipino Star Ngayon

Napaulat kamakailan na nangangailangan ng mga skilled workers, hotel and tourism workers, restaurant staff, Information Technology personnel at healthcare workers na tulad ng nursing staff at caregivers ang Finland. Kung linya mo ang isa sa mga kategoryang ito at gusto mong subukang magtrabaho sa ibang bansa, baka puwede ka sa Finland.

Ang Finland ay isang Nordic Country na ibig sabihin, isa ito sa mga bansang matatagpuan sa hilagang bahagi ng Europe. Katabi nito ang Sweden, Norway, at Russia. Helsinki ang kabisera at pinakamalaking lungsod nito. Meron itong populasyon na 5.6 milyon na ang pangunahing lenguwahe ay Finnish at Swedish.

Hindi gaanong popular na destinasyon ng mga overseas Filipino worker ang Finland bagaman, ayon kay Department of Migrant Workers Secretary Hans Cacdac, umaabot sa 5,000 hanggang 6,000 ang mga Pilipinong naninirahan doon na karamihan ay mga OFW.  Nabatid naman kay Finland Employment Minister Arto Olavi Satonen na meron lang 2,000 manggagawang Pilipino sa Finland.

Sa paglagda ng Pilipinas at ng Finland sa isang Joint Declaration of Intent nitong buwan ng Enero, sinabi ni Satonen na maaaring dalhin ng mga OFW ang kanilang pamilya sa Finland kung sapat na ang kanilang kinikita.      

Sinasabi pang maaa-ring kumita ng hanggang 96,000 pesos ang manggagawang Pinoy depende sa klase ng kanyang trabaho at kinabibilangang industriya. Nasa  €1,600 kada buwan ang minimum na sahod at merong average na €3,500 per month. Katumbas ito ng 96,000 sa pera ng Pilipinas. 

Pero paano ang cost of living sa Finland, presyo ng mga bilihin, upa sa mga tirahan tulad ng apartment o boarding house o isang bahay, pagkain, pagpapagamot o pagpapaospital kapag nagkasakit? Hanggang saan aabot ang €1,600 o ang  €3,500 sa araw-araw niyang gastusin sa bansang ito? Maaaring sagot ng employer ang titirhan ng manggagawa pero paano ang iba pang mga gastusin? Ano ang tsansa na aasenso ka? Ilan lang ito sa mga detalyeng dapat inaalam muna ng aplikanteng OFW bago sumugod sa dayuhang bansang tulad ng Finland.

Makakapagtanong sa mga lehitimong kaukulang  recruitment agencies o sa Department of Migrant Workers hinggil sa mga trabahong puwedeng aplayan sa Finland. Kilalanin din ang Finland, ang mga mamamayan at kultura nito, ang pamumuhay ng mga tao sa bansang ito, mga batas at panuntunang umiiral dito at iba pang bagay na may kinalaman sa naturang bansa.

Itinuturing na pinakamasayang bansa sa mundo ang Finland. Ilan sa dahilan ang high standard of living na tinatamasa ng kanyang mga mamamayan tulad ng sa kalusugan, edukasyon at social security para sa lahat, bihira ang katiwalian sa gobyerno, umiiral ang malaking tiwala at pagkakapantay-pantay, at ang pagpapahalaga sa tinatawag na work-life balance. 

Siyempre pa, tulad ng mga nababalita, matatagpuan sa Finland ang sinasabing bayan ni Santa Claus. Nasa lungsod ng Rovaniemi sa naturang bansa ang Santa Claus Village.

Isang bilingual na bansa ang Finland. Kapwa pangunahing wika nito ang salitang Finnish at Swedish. 

Sa buong mundo, ang mga Finns ang pinakamalakas uminom ng kape. Umiinom sila ng 26 pounds ng kape bawat taon na halos apat na tasa ng kape bawat tao araw-araw bagaman mababang pagtataya lang ito dahil maghapon araw-araw kung magkape ang mga Finns.

Tuwing mula Mayo hanggang Hulyo, walang gabi sa Finland.

Kilala ang Finland bilang lupain ng libong lawa. Umaabot sa 187,888 ang mga lawa sa bansang ito. 

Maraming batang Finnish ang dalawang beses magdiwang ng kanilang kaarawan. Ang unang birthday party ay para sa kanilang mga kaibigang bata. Ang pangalawang birthday party ay para sa mga miyembro ng pamilya at kamag-anak.

Isang bahagi na ng buhay sa Finland ang sauna na umaabot sa bilang na dalawang mil-yon. Napakarami nito na kahit saan sa Finland, bahay o apartment, restawran, gusali ng pamahalaan  ay may makikita kang mga sauna na naging isang lugar para sa reålaxation, purification at bonding. May mga buntis na babae na sa sauna nanganganak dahil sa kalinisan nito.       

Suomi ang palayaw ng Finland. Sa salitang Finnish, “Suomi” ang ibig sabihin ng Finland.  

Opisyal na tahanan ni Santa Claus ang Rovaniemi, isang lungsod sa Finland. 

Isang nakakatuwang tradisyon tuwing Hulyo 27 sa Finland ang ‘National Sleepy Head Day’ o ‘Unikeonpäivä’. Ang taong huling natutulog sa isang bahay ay biglang bubuhusan ng tubig o ihahagis sa lawa o dagat. 

Isa ring sports sa Finland ang wife-carrying. Ang isang babae ang bubuhatin ng lalake sa kanyang likod habang  binubuno ang isang obstacle course. Hindi obligadong totoong asawa ang bubuhatin ng mister. Pero kailangan ang babae ay meron nang 17 taong gulang o mahigit pa at merong minimum na bigat na 49 kilogram.

Ang mga magulang ng bagong silang na sanggol sa Finland ay nireregaluhan ng pamahalaan nito ng isang  äitiyspakkaus o “baby box” na naglalaman ng mga damit, bibs, diaper at bathing products at iba pa.  Meron ding maliit na kutson at kumot sa loob ng kahon na puwede ring tulugan ng sanggol.

* * * * * * * * *

Email- [email protected]

OFW

TRENDING

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with