Rose Lin makasisira sa Quezon City
Isang maunlad na lungsod sa Metro Manila ang Quezon City sa pamumuno ni Mayor Joy Belmonte. Huwag sanang mapasukan ito ng mga kandidatong may mantsa ng katiwalian.
Isa sa mga kontrobersiyal na tatakbo sa pagka-representante ng Quezon City ay si Rose Nono Lin na nadawit noon sa anomalya ng Pharmally, ilegal na POGO at bawal na droga. Ipinatatawag siya ng Mababang Kapulungan para magpaliwanag. Apat na beses na siyang no-show sa hearing ng quad committee.
Kung wala siyang sala, di nga ba mas mabuting dumalo siya upang linisin ang pangalan? Ngayon, all out ang pangangampanya niya sa QC. Ingat po ang mga taga-QC sa pagkilatis ng mga kandidato.
Sa una at huling appearance niya sa mga pagdinig, sinabi niyang taong 2009 lang sila nagkakilala ng kanyang mister na umano’y drug lord na si Weixiong Lin alyas Allan Lim. Subalit sangkot ang kanyang asawa sa malakihang drug bust ng shabu laboratory sa Cavite noong 2003 at siya ay nadakip at kinasuhan.
Kasinungalingan din ang sinabi ni Lin na isa lang ang kanilang pagmamay-aring POGO kasosyo ang kanyang asawa at si Michael Yang, pero ayon sa mga dokumento na pirmado niya mismo, mahigit sa apat ang kanyang hawak.
Wala pa rito ang mga POGO sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na ipinagamit nina Lin ang kanilang lisensiya para makapag-operate ang mga ito. Sabi pa ni Rose Lin sa quad comm wala raw nakabinbing criminal case ang asawa niya sa Pharmally issue.
Ngunit sa inilabas na resolution ng Ombudsman noong May 2024 na isa si Weixiong Lin sa mga kumubra ng P40-billion na ipinambili ng mga substandard na medical supplies noong panahon ng pandemya.
Pang-apat, pati lugar ng kanyang tirahan na nakalakip sa iba’t ibang dokumento ay pinasinungalingan ni Rose Lin. Magkakaiba ang mga idineklara niyang address noong kasagsagan ng senate inquiry sa Pharmally noong 2021 sa mga idineklara niyang address sa quad comm nitong kasalukuyan.
Pang-lima, hindi siya nauubusan ng palusot na mayroon siyang family personal emergency tuwing ipapatawag ng quad comm pero aktibung-aktibo siya sa kanyang pangangampanya sa District 5, Quezon City para sa darating na halalan. Nagkalat na rin ang kanyang pagmumukha sa mga tarpaulin sa buong distrito habang patuloy ang pangdededma nito sa Kongreso.
Patuloy pa rin niyang nililinlang at nagpapa-inosente sa lahat na wala siyang kinalaman sa POGO at illegal drugs kahit na pinagsanib-pwersa na ng Senado, Kongreso, NBI, DOJ, PAOCC at iba pang ahensya ng ating gobyerno ang nagsasabi at naglabas na ng sari-sarili nitong matrix na kasama siya sa mga dapat managot sa mga salot na idinulot nila sa ating bansa.
Ito na nga ang babala na nakikini-kinita ng PAOCC at ng senado na gagawin ng mga mastermind ng POGO ang lahat upang makalusot at maibalik ang kanilang masasamang hangarin dito sa atin.
Ang nakakadismaya rito, si Rose Lin ang nag-iisang Pilipino na nasa sentro ng lahat ng anomalyang ito, at patuloy niyang binabastos ang kapwa Pilipino at ang batas ng Pilipinas.
- Latest