Batas na sakop maging ang mga bakla o tomboy

Kapag nambubugbog ang asawang lalaki o babae sa kanyang kabiyak lumalabag siya sa batas na nagpaparusa rito (Republic Act 9262). Ito bang batas na ito ay sakop ang mga bakla o tomboy? Ito ang sasagutin dito sa kaso ni Sarah at Lisa na nagsasama na ng 16 na taon ngunit naghiwalay na habang nagdiriwang ng Pasko sa Hong Kong.

Nang bumalik sa bansa, pumunta si Sarah sa kanilang bahay upang kunin ang kanyang mga pag-aari. Pagkaraan ay natutulog siya sa bahay ng kanyang nobyo. Sinabi niya kay Lisa na huwag nang gamitin ang kanyang credit card dahil may utang pa ito ng mga P3 milyon.

Pagkaraan ay sinabihan ni Sarah si Lisa ng umalis na sa kanilang bahay at pinuwersa siyang pumirma ng deed of sale ng bahay dahil sa ayaw niyang umalis. Naging marahas na si Sarah at tinakot si Lisa na dudurugin niya lahat ng nasa loob ng bahay, tapos ay susunugin niya ito.

Ang mga pagbabanta na ito ay nagdulot ng pananakit ng dibdib kay Lisa at paghihirap huminga kaya napilitan siyang magpagamot at manatili sa ospital.

Binisita ni Sarah si Lisa sa ospital at sinubukang makipagbati at magbayad pinsala. Noong umuwi na sila, pinuwersa ni Sarah si Lisa na uminom ng droga na pinanghina nito at nawalan siya ng malay. Pagkaraan ng dalawang araw, nang magkamalay na si Lisa hubad na siya at si Sarah ay nakapatong sa kanya habang kumukuha ng litrato ay nag-vivideo.

Hiniling ni Lisa na burahin ang mga litrato sa pangambang papatayin o ipapapatay siya ni Sarah. Sinundan ni Lisa si Sarah sa kotse ngunit ulit-ulit na inipit ni Sarah ang kanyang kamay sa pinto ng kotse na nagdulot ng mga pilay at pagkabali ng kanyang kamay na kinailangan ng surgery at paghilot. Kaya dinemanda na ni Lisa si Sarah ng paglabag sa RA 9262 dahil sa sadya at criminal na pag-atake at pagbugbog sa kanya.

Hiniling ni Sarah na idismiss ang kaso, dahil ang RA 9262 ay di sakop ang mga bakla o tomboy. Nagreklamo lang daw si Lisa para pigilan ang kanyang aksyon na bawiin ang bahay at lupang tinitirhan nila. Tama ba si Sarah?

Sabi ng RTC ang kahit sino ay may pananagutan sa ilalim ng batas na ito, bakla man o tomboy. At ayun sa Supreme Court, tama ang RTC. Ang batas na ito ay sakop at ­pinarurusahan anumang uri ng pagsasama, mag-asawa man o magkarelasyon ng bakla o tomboy.

Ito ay tumutukoy sa anumang aksiyong ginagawa ng sinuman laban sa babaing asawa, dating asawa o sino mang babae na karelasyon ng ibang tao, lalaki man o babae na nagsasanhi ng pisikal, seksuwal o sikolohikal na pinsala o abuso kasama ang pagbabanta, pamumuwersa na gawin ito, o pag-kakait ng kalayaan (Jacinto vs. Fouts, G.R NO. 250627, December 7, 2022).

Show comments