Nakakainggit ang bansang ito
NAPAKA-POBRESITONG bansa ang Burkina Faso (populasyon 24 milyon) sa Africa. Malimit ito gawing ehemplo ng karalitaan. Nu’ng dekada ’80 tinuya si President Marcos Sr. na parang Burkina Faso na ang Pilipinas.
Biglang umunlad ang Burkina Faso nang maupo si President Ibrahim Traoré, 36, simula 2022. Dating army captain, hindi siya bumili ng bagong limousine, na gawi ng ibang African leaders. Sa halip, bumili siya ng 400 traktora, 239 makinang pang-ani, at 710 pang-irigasyon.
Pinamahagi ito ni Traoré sa mga magsasaka. Binigyan niya ng 714 motorsiklo ang agriculture technicians. Sa pag-mechanize ng agrikultura, pakay niyang mapakain at magkahanapbuhay ang taumbayan.
Mahal na mahal ng madla si Traoré. Minamaneho niya ang lumang personal na Land Rover, 2001 model, halagang $12,000 (P600,000) kung segunda mano. Ang mga lider sa mga kapitbansa ay naka-Ferarri o Rolls-Royce, $400,000-$850,000 (P20 milyon-P42.5 milyon).
Todo-suporta si Traoré sa mga taganayon. Namahagi siya ng 10,000 toneladang pakain sa isda; 69,000 toneladang pataba; 10,000 litrong pestisidyo; 18,000 toneladang buto; 2,300 toneladang binhi ng dayami; at 10,000 toneladang pellet feeds. Kabuuang halaga: $26 milyon.
Natural mainggit tayong mga Pilipino sa Burkina Faso. Kasi, ang unang inaatupag ng mga lider natin pagkahalal, ay magagarang kotse at mahahabang security convoy. Hindi sila sumasakay sa bus, jeepney o tricycle. Ligtas sila sa init, bagyo, trapik, baha.
Mandarambong ang mga lider natin. Kumukumisyon ng 40 percent sa mga proyektong pampubliko, at umaakto pang kontratista para mas malaki ang kabigin. Ninanakaw nila ang pondong pangsakahan. Tig-P1 bilyon sila taun-taon mula sa Flood Control Funds. Hindi sinusukat kung totoong na-dredge ang burak sa ilog o lawa. Kaya binabaha pa rin.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).
- Latest