Abot-kamay na nga ba ang internasyonal na edukasyon?
Pagdating sa pagiging magulang, may kani-kanya tayong mga estilo at pamamaraan. Sa kabila ng maraming mga pagkakaiba, may nag-iisang hangarin tayo pagdating sa ating mga anak: ang magtagumpay sila. Gusto nating makita na mas malayo ang marating nila kumpara sa atin.
Edukasyon ang isa sa mga pinakamahalagang pundasyon ng kinabukasang pinapangarap natin para sa ating mga anak. Marahil ito ang dahilan kung bakit kapansin-pansin na mas maraming magulang ang pumipili sa international education, o pag-aaral sa ibang bansa --- para magtagumpay ang kanilang anak.
Mga tulay para sa internasyonal na edukasyon
Sa kabila nito, ang international education ay maraming kaakibat na hamon, pinansyal at logistical, na humahadlang sa mga pamilyang maibigay ito sa kanilang mga anak. Gayunpaman, mayroon pa ring mga institusyon na patuloy na inilalapit ang oportunidad na ito sa mas maraming pamilya.
Isa na rito ang Thames International. Mula sa pagkakatatag nito noong 1999, ang Thames ngayon ay isa na sa mga nangungunang institusyon sa sektor ng international schools sa ating bansa.
Bilang isang advocate para sa de kalidad na edukasyon, bilib ako sa kakayahan ng Thames. Pero hindi na rin nakapagtataka kung bakit isa ito sa mga pangunahing paaralan sa Pilipinas. Magaling kasi ang liderato nito. Kasama na rito ang kanilang co-founder at president, at malapit kong kaibigan na si Joel Santos. Dahil sa kanyang angking galing, maraming beses na siyang naging katuwang ng gobyerno sa larangan ng edukasyon. Nitong Abril, itinalaga siyang Country Chair ng UNESCO Entrepreneurs Educators Network (EE-Net) Philippine Chapter. Ang Thames ang country secretariat ng UNESCO EE-Net.
Sabi ni Joel, ang kanilang misyon ay “matulungan ang mas maraming Pilipino na makapag-aral abroad at matamasa ang mga benepisyo nito — at matulungan ang mga mag-aaral nating maging mga lider sa 21st century environment.”
Kabilang sa mga natatanging graduate ng Thames sina PJ Castro, co-founder ng JustPayTo na isang Fintech company, si Blake Go, ang CEO ng Prince Warehouse club sa Cebu, Shaina Darmawan, Country Division Head for Consumer Health ng Byaer, at si Mikko Vergara, Head of Equities and Global Funds ng Sun Life Investment Management and Trust Company.
Higit pa sa mga nagniningning na alumni ng Thames, ibinahagi rin sa akin ni Joel ang isang pag-aaral na nagsasabing nasa 36% ng mga top CEO ngayon ay produkto ng international education.
Global education, abot-kamay
Para kay Joel, ang Thames ang isa sa mga pinakamalaking “ambag” o kontribusyon niya sa larangan ng edukasyon. Ang hangarin ng kanilang paaralan ay maging tulay para sa mas maraming oportunidad para sa kabataan, at mailapit sa mga magulang ang pagkakataon na mabigyan ng edukasyon sa ibang bansa ang kanilang mga anak.
Nagagawa ng Thames ito sa pamamagitan ng kanilang 2+2 Global Degree Transfer Program. Magsisimula ang edukasyon ng mga estudyante sa Thames sa loob ng dalawang taon, na maghahanda sa kanila para sa kasunod na dalawang taon na pag-aaral sa mga partner universities nito sa United Kingdom, United States, Ireland, Singapore, at Australia. Bukod sa pagpapasimple ng proseso, nagagawa rin ng programa na padaliin para sa mga pamilya ang pag-abot sa pangarap ng international education.
Masayang ibinahagi ni Joel na patuloy ang pagtupad nila sa layuning ito. Dahil kasabay ng ika-25 anibersaryo ng Thames, ngayon ay magkakaroon rin sila ng partial tuition fee scholarships. Maaari nang bumaba sa $5000 kada taon ang kanilang programa, hindi na gaanong nalalayo sa matrikula ng mga nangungunang paaralan sa bansa.
Mabisang edukasyon, maliwanag na kinabukasan
Nais ko ring klaruhin na sa kabila ng aking nalaman tungkol sa Thames, hindi ito nangangahulugang mas mababa ang kalidad ng edukasyon sa ating bansa.
Bilang isang advocate para sa kabataan, nais ko lamang mabigyan ng nararapat na atensyon at suporta ang mga indibidwal at grupong nagsisikap na itaas pa ang antas ng edukasyon sa Pilipinas. Kung mabibigyan natin ng sapat na pagkakataon at magagabayan ng mga magagaling na guro ang napakaraming estudyanteng may potensyal, sila ang mga makabagong lider sa hinaharap na siyang mga susi sa mga suliranin at samu’t saring mga isyung kinakaharap natin.
Malaking obligasyon at hindi madaling desisyon kung paano natin huhubugin ang learning journey ng ating mga anak. Ngunit hangga’t nariyan ang mga ka-partner tulad ng Thames, mas lumiliwanag ang kinabukasan para sa ating lahat.
---
Panoorin ang Pamilya Talk sa Facebook at YouTube (@JingCastaneda – 12:00 noon – 1:00 p.m. Monday & Wednesday). Sundan din ang aking social media accounts: Instagram, Facebook, YouTube, Tiktok, and Twitter. Ipadala ang inyong mga suhestiyon at kuwento sa [email protected].
- Latest