SA kasagsagan ng pandemya noong 2020 hanggang 2021, bumaba ang lebel ng air pollution sa Metro Manila at iba pang kalapit lungsod. Sa mga panahong ito malinaw na nakikita ang mga bundok na nakapaligid sa MM partikular ang Sierra Madre. Nabawasan ang air pollution dahil walang yumayaot na mga pampublikong sasakyan—bus, dyipni at taxi. Ang mga ito ang numero unong nagbubuga ng usok na may lason. Tigil din ang mga pabrika sa operasyon.
Pero ngayong nagbabalik na sa normal ang buhay dahil sa unti-unting pagkawala ng COVID-19, nagbabalik naman sa dati—at mas malala pa ang air pollution. Sa kasalukuyan, hindi na matanaw ang Sierra Madre o maski ang Antipolo dahil sa makapal na usok (smog) na nakabalot sa Metro Manila ngayon.
Sa umaga pa lang, maaaninag na ang usok na malayang nalalanghap ng mga taga-MM. Ang usok na ito ay may taglay na Nitrogen dioxide (NO2) at PM2.5. Ang dalawang pollutants na ito ang dahilan ng severe cardiovascular at respiratory health illnesses. Napatunayan na ang exposure sa pollutants na ito ay nagpapahina sa natural na depensa ng katawan laban sa viruses at COVID-19.
Minsan nang sinabi ni President Ferdinand Marcos Jr. na tututukan ng kanyang administrasyon ang problema sa plastic pollution kung saan pangtatlo ang Pilipinas sa mga bansang nagtatapon ng plastic sa karagatan. Aniya, lilinisin ang mga kalat at sosolusyunan ang plastic pollution. Sana hindi lang plastic pollution ang kanyang solusyunan kundi pati ang air pollution na nakasakmal sa Metro Manila.
Sabi ng Department of Environment and Natural Resources (DENR), 70 hanggang 80 percent na nagdudulot ng air pollution ay mga sasakyan at ganundin ang mga usok na galing sa pabrika.
Isang paraan para masolusyunan ang air pollution, lahat nang mga luma at karag-karag na sasakyan ay ipagbawal na sa kalye. Ang mga lumang sasakyan ay malakas kumunsumo ng gasolina at nagbubuga nang nakasusulasok na usok. Ipagpatuloy din naman ng DENR ang kampanya sa smoke belching para matiyak na ang mga sasakyang yumayaot ay hindi nagbubuga ng may lasong usok. Ipatupad din naman ang Clean Air Act of 1999 na matagal nang hindi gumagalaw at dekorasyon na lang.
Isalba ang Metro Manila sa nakamamatay na air pollution. Maawa sa mga susunod pang henerasyon. Palanghapin sila ng dalisay na hangin.