SABI ng Philippine National Police (PNP) bumaba ang krimen sa Metro Manila sa mga nakaraang buwan. Dahil daw ito sa pinaigiting na kampanya laban sa kriminalidad. Marami ring pulis sa kalye para mapigilan ang masasamang loob sa kanilang masamang balak. Ngayong panahon ng kapasuhan, lalo pa raw pinatindi ng PNP ang kanilang pagbabantay para lubos na maproteksiyunan ang mamamayan.
Pero ano itong kidnapping activities na sangkot o may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGOs). Hindi na mga kapwa Chinese ang kinikidnap ng mga nagmamantini ng POGOs kundi mga Pilipino na. Pagkaraang kidnapin ay ipatutubos ang kawawang biktima. Mga Chinese na nagpapatakbo ng POGOs ang “utak” sa pangingidnap. Kapag hindi natubos ay ipagbibili ang biktima sa Chinese.
Mismong si Sen. Grace Poe ang nagkuwento na ang hipag ng kanyang kaibigan ay kinidnap ng mga taong identified sa POGOs. Bago ang pagkidnap, inoperan daw ang biktima ng trabaho na may suweldong P100,000 bawat buwan. Pero sa halip na trabaho, kinidnap ito at dinala sa isang bahay sa Cavite. Pagdating sa Cavite, may mga lalaking mukhang Chinese na gusto siyang bilhin sa halagang P320,000. Nang mabili ang biktima, nagmakaawa ito sa Chinese na palayain pero ang nangyari, ipinagbili uli ang biktima. Nakalaya lamang umano ang biktima nang magbayad ang bayaw nito ng P250,000.
Nakaalarma na ang nangyayari na mga Pinoy na ang kinikidnap at pinagpapasa-pasahan. Maaaring dumating ang araw na marami pang Pinoy ang kikidnapin at magiging hanapbuhay na ng mga Chinese na nagmimintina ng POGOs.
Kailangang kumilos ang PNP sa nangyayaring kidnapping. May mga nangyayaring krimen taliwas sa sinasabi ng PNP na bumaba ito sa Metro Manila. Hindi dapat ipagwalambahala ang kidnapping activities ng mga taong identified sa POGOs.
Noong nakaraang buwan, maraming senador ang nais nang ipatigil ang POGO operation. Inirekomenda na umano nila na ihinto ito nang tuluyan.
Nararapat lamang ang balak na ito. Hindi na dapat pang pahintulutan na makapagpatuloy ng operasyon. Kung sa China nga hindi pinapayagan ang anumang uri ng sugal, dito pa kaya sa Pilipinas.
Magpapatuloy ang krimen partikular ang kidnapping kung hindi ipatitigil ang POGOs. Bago pa lumala nang todo ang krimen, itigil na ang POGOs.
Huwag nang maging gahaman ang pamahalaan sa kaunting kikitain sa mga salot na POGOs.