“Hay, sana edad-16 pa ako at akala alam ang lahat!” wika ng isang matandang pilosopo. Sa kapusukan natin noong kabataan, lumabis ang paghamak sa mga pagsubok, sa kapalaluhang tama tayo palagi. Sa paglipas ng panahon at pagyabong ng karanasan, nabatid natin na wala palang tigil ang pag-aaral at pagkatuto. Patuloy dapat magbasa, makinig, magmasid. Sa pagpapakumbaba nakakamit ang talino, anang Bibliya.
Hindi ibig sabihin nito na awatin ang pangahas ng mga bata. Huwag maliitin na puro komiks, cartoons at TikTok sila sa simula, dagdag sa konting maikling kuwento, dula, pelikula, tula at awit. Kung masigasig sa pag-aaral at sensitibo sa kalaro, matututo sila sa buhay.
Ang nakakaasiwa ay ang matanda na mayabang. Kung umasta ay parang hindi siya nagkakamali. Hindi marunong humingi ng tawad o paumanhin. Iginigiit palagi ang sariling opinyon. Hindi maawat, galit pa sa kontrang pananaw mo. Tapos, mababalitaan mo na hindi pala siya nagbabasa ng diyaryo o ng seryosong libro.
Palabasa at analisa ang matalino. May mga bumubuno ng dalawa hanggang anim na libro kada buwan. Sa pakikikuwentuhan sa bata o ka-edad, panonood ng telebisyon o pakikinig ng musika, iniisip nang husto ang kahulugan at konteksto. Nababatid niya na maski makabasa siya ng 50 aklat kada taon, milyun-milyong iba pang akda ang hindi niya mabubuklat man lang sa maikling buhay. Bagama’t masigasig sa sining at siyensiya, alam niyang papanaw siya na mas maraming aspeto ng buhay at ng kalawakan ang hindi pa rin niya maiintindihan.
Sa simpleng mahjong napapanatiling matalas ang isip ng lolo at lola. Sa simpleng kuwentuhan sa kanila, tumatatas sa salita at patawa ang apo. Pero ang mayabang ay napag-iiwanan. Sa kapalaluan nagsisimula ang marami pang kasalanan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).