UMABOT na sa $105 ang bawat bariles ng krudo sa pandaigdigang pamilihan at tataas pa raw dahil sa pananakop ng Russia sa Ukraine. Posibleng maging $200 ang bawat bariles at kapag ganito na kataas, ang mga bansang mahihirap na katulad ng Pilipinas ang apektado. Kahit pa ang langis na ginagamit ng bansa ay galing sa Middle East, apektado pa rin ang ekonomiya. Nakadepende sa langis kaya walang magagawa sa dikta ng mga oil producing countries.
Mula pa Enero 1, 2022 hanggang Marso 1, 2022, nakakasiyam nang sunud-sunod na pagtataas na ang mga kompanya ng langis. At sa kabila ng mga pagtataas, walang hakbang na isinasagawa para mabawasan ang impact sa mamamayan. Kapag tumaas ang presyo ng gasolina, diesel at kerosene, mga mahihirap ang tinatamaan. Gaya ng mga jeepney drayber na wala nang naiuuwing kita sa pamilya sapagkat napunta na sa gasolina at diesel. Humihirit ng dagdag sa pasahe ang transport groups.
Noong Miyerkules, hiniling ni President Duterte sa Kongreso na rebyuhin ang Oil Deregulation Law (Republic Act 8479). Nararapat umaksiyon agad ang mga mambabatas ukol sa batas na ito. Isailalim muna sa control ng gobyerno ang pricing activity ng langis. Kung hindi ganito ang gagawin, kawawa ang taumbayan sa walang tigil na pagtaas ng gasolina, diesel at kerosene.
Kung walang magagawa sa Oil Deregulation Law, ihinto muna ang excise tax sa petroleum products. Nakasaad sa TRAIN Law na kapag umabot sa $80 ang bawat bariles ng langis, awtomatik na suspendido ang pagkaltas ng buwis sa petroleum products. Dapat sundin kung ano ang nakasaad sa TRAIN Law.
Mataas ang mga bilihin at wala nang ikakaya ang mamamayan na hindi pa nakakabangon sa pananalasa ng pandemya. Gawin ng pamahalaan ang pinakaepektibo at mabilis na paraan upang hindi ganap na mahirapan sa walang humpay na oil price hike. Nagdudugo na ang balikat ng mamamayan dahil sa bigat ng pinapasan.