KAHIT ibinaba na sa Alert Level 1 ang Metro Manila at mga karatig lalawigan, kailangan pa rin ang pag-iingat upang makaiwas sa COVID-19. Ayon sa Department of Health (DOH) hindi pa lubusang nawawala ang COVID kaya patuloy pa ring magsuot ng face mask, maghugas ng kamay at iwasan ang makipagkumpulan sa mga matataong lugar. Kailangang magpabakuna upang magkaroon ng proteksyon. Sa ngayon nasa 64 milyong Pilipino na ang nababakunahan. Target ng pamahalaan na 75 milyon ang mabakunahan. Umaarangkada na rin ang bakunahan sa mga kabataan. Kailangang mabakunahan ang mga kabataan dahil lalarga na ang face-to-face-classes sa susunod na buwan. Hindi dapat malagay sa peligro ang mga kabataan.
Inalis na ang pagbabawal sa mga ‘di bakunadong empleyado na makapagtrabaho. Ayon kay Department of Labor and Employment secretary Silvestre Bello III, maari nang pumasok sa trabaho ang hindi bakunado bastat linggu-linggo silang magsusumite ng antigen test. Malaking gastusin na naman ito para sa mga trabahador na ‘di bakunado. Kaya dapat magpabakuna na kayo upang makaiwas sa virus.
Kailangan ang pag-iingat ngayon dahil tumataas ang bilang ng krimen. Nararapat ipakalat ni Philippine National Police chief Gen. Dionardo Carlos ang kapulisan sa lahat ng sulok ng bansa upang mabigyan ng proteksiyon ang mamamayan. Dahil lumalabas na ang mga tao, naglalabasan na rin ang mga kriminal.
Noong isang araw, nag-viral sa social media ang footage ng isang taxi driver na inihinto ang kanyang minamanehong taxi sa isang police station sa Tondo, Manila. Hinoholdap pala ang driver. Tiklo ang mga suspect na sina Ryan Medina at Glenn Mark Evasco. Ayon sa mga suspect, nagawa nilang mangholdap dahil sa kahirapan. Nakakulong na ang dalawa.
Nabiktima naman ng pitong salisi gang ang ina ni Nadia Montenegro habang nasa isang malaking supermarket sa Quezon City. Limas ang pera sa ATM ng ina ni Nadia. Hinahabol na ng QCPD ang pitong kawatan.
Ingat-ingat lang ngayon!