Teknolohiya ang nagpapaepisyente sa army para pumatay kung digmaan. Nu’ng sinaunang panahon naimbento ang barkong panlusob, chariot na matulin, catapult na panghagis, crossbow at pagkatapos ay kanyon na pangmalayuang bala. Nu’ng World War I at II nagkaroon ne fighters at bombers, submarines, tangke, missiles, at atom bomb. Nitong digital age mas sopistikado lalo ang pagpatay.
Augmented Reality ang isang teknolohiya. Bahagi ng helmet o goggles ng sundalo ang TV screen at computer chip. Lalabas doon ang landas na tatahakin niya, ano ang gusali (ospital, museo, bodega, atbp.), ilang hakbang para marating ang pakay, at marami pang impormasyon. Sa tulong ng live satellite feeds makikilala ang kalaban o kakampi. At sa pamamagitan ng guided bullet, miski ang nagtatago ay mababaril at mapapasabog. Bababa ang casualties ng panig na lamang sa gadgetry.
Mas matutulin kaya mas malalakas ang missiles. Dagdag nang pulbura na pasabog. Mas mabilis pa ang talsik kaya mas malakas ang impact. Maski kasing-liit lang ng kahon ng sapatos ay maari wasakin ang isang distrito o kampo. Libu-libo ang patay sa isang sabog.
Hindi lang pangmanman ang aerial o water drones kundi pampasabog. Lulusob ang anim na aerial drones sa isang gusali. May “utak” sila na computer chip. Hahanap ng mahinang spot para makapasok at sasabog sa mga kalaban sa loob. Kakabit naman ng magnet ang water drones sa kalabang barko. May homing device. Kapag dumaong sa home port ang warship, sasabog ang water drones. Damay ang iba pang barkong pandigma at buong naval base.
Kung ganyan na kadali pumatay at mapatay, mangwasak at mawasak, mangsakop at masakop, maisip na kaya ng tao na walang saysay ang giyera? Batay sa kasaysayan, ang sagot ay hindi.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).