Hindi lamang konsultasyon, laboratory tests at hospitalization ang libre para sa mga Makatizen nating may Yellow Card. Maging ang mga pangunahing maintenance medicine ay sagot ng aking administrasyon para masiguro ang patuloy na gamutan ng mga residente at empleyadong may karamdaman.
Sa ilalim ng ating Libreng Gamot Para Sa Mamamayan program, ibinibigay ng libre ang buwanang supply ng maintenance medicines para sa mga sakit na hypertension, diabetes, mataas na cholesterol at iba pa.
Kabilang sa mga gamot na aming ibinibigay ang insulin at Metformin para sa mga may diabetes; Losartan para sa may altapresyon; Rosuvastatin, Atorvastatin, at Trimetazidine para sa may mga sakit sa puso.
Para sa malakas na katawan at malusog na immune system, ang mahigit 147,000 Yellow Card holders sa Makati ay binibigyan din ng monthly supply ng bitamina tulad ng Vitamin C with Zinc at B-complex. Bukod pa rito ang regular na bakuna kontra sa flu, pneumonia, Japanese encephalitis at iba pang kritikal na sakit.
Hindi biro ang gastusin ng isang pamilyang may inaalagaang kaanak na may sakit. Kung iisipin, sa consultation fee pa lamang tuwing check-up ay mahina na ang P500. Hindi pa kasama rito ang mga laboratory tests na kailangan at ang gamot na dapat inumin ng regular.
Para sa mga may diabetes, ang insulin ay nagkakahalaga ng P4,500 para sa isang linggong konsumo. Sa isang buwan ay aabot ito ng mahigit P18,000! Wala pa rito ang glucose test strips at lancets na kailangan para i-test ang blood sugar araw-araw.
Hindi kakayanin ng ordinaryong mamamayan ang ganito kalaking halaga. Paano naman ang iba pang gastusin ng pamilya?
Sa hirap ng buhay, marami tayong kababayan na hinahati ang kanilang mga gamot para makatipid o kaya naman ay every other day na lamang iniinom. Hindi po ito makakabuti para sa kanilang kalusugan.
Kaya naman dinisisyunan namin sa Makati na alisin na ang burden na ito sa balikat ng ating mga Makatizen. Kami na ang bahala sa halos lahat ng gastusing may kinalaman sa kalusugan. Mula sa check up,laboratoy at specialized tests, confinement, gamot, maging dialysis ay covered lahat para sa mga may Yellow Card.
Maging ang dialysis para sa kidney patients ay libre din sa Makati. Sa pakikipagtulungan sa mga piling dialysis centers sa lungsod, ay maaaring magpa-dialysis ang mga yellow card holder 3x a week at ire-reimburse namin ang hanggang P4,500 kada dialysis session kahit lampas na ito sa kanilang PhilHealth coverage.
Nakapagdudugtong ng buhay ang regular at maayos na dialysis. Puwede ring sa Ospital ng Makati mismo magpa-dialysis kung mas convenient at mas malapit para sa pasyenteng may sakit sa kidney.
Taun-taon, dinadagdagan namin ang budget allocation para sa health sector dahil alam naming ito ang isa sa mga unang naisasakripisyo ng mga ordinaryong tao dahil sa kakapusan sa pera. Malaking bahagi ng aking programa ang bigyan ng dekalidad na health services ang lahat ng #ProudMakatizen. Gusto kong iparanas sa bawat isa ang tunay at ibang lebel ng healthcare service.
Iba ang alagang Makatizen.