Umiwas sa paninigarilyo; Alamin kung stressed ka

Ayon sa American Lung Association, maraming bene­pisyo kapag itinigil ang paninigarilyo. Ilan sa mga ito ang sumusunod:

l 20 minuto pagkatapos itigil ang paninigarilyo – Bababa na ang iyong blood pressure at pulso. Nakaka-high blood kasi ang paninigarilyo.

l 8 oras pagkatapos itigil ang paninigarilyo – Bababa ang lebel ng carbon monoxide sa iyong dugo, at tataas ang oxygen. Ang carbon monoxide ay isang lason na nakukuha sa usok ng sigarilyo. Kapareho ito sa usok ng tam­butso ng bus.

l 24 oras – Mababawasan na ang tsansa mong magkaroon ng atake sa puso.

l 48 oras – Manunumbalik na ang iyong normal na panlasa at pang-amoy. Mag-uumpisa na ding maghilom ang iyong mga ugat (nerves).

l 2 linggo hanggang 3 buwan – Gaganda ang sirkulasyon ng dugo sa katawan. Mababawasan ang iyong pag-ubo at pagdahak ng plema. Bibilis na rin ang iyong pagla­lakad dahil lalakas na ang iyong baga.

l 1 buwan hanggang 9 na buwan – Tuluyang lalakas na ang iyong baga at giginhawa ang iyong paghinga. Ang mga cilia (maliliit na parang buhok sa baga) ay manunumbalik sa kanilang trabaho na magtanggal ng plema sa baga.

l 1 taon pagkatapos itigil ang paninigarilyo – Mababawasan ng 50% ang tsansa mong magkaroon ng sakit sa puso kumpara sa isang taong tuluy-tuloy pa ring nanini­garilyo.

l 10 taon – Mababawasan na ang tsansa mong magkaroon ng kanser sa baga, bibig, lalamunan, pantog at bato. Ngunit hindi pa rin mapapantayan ang kalusugan ng isang taong hindi kailanman nanigarilyo.

l 15 taon – Halos normal na ang iyong kalusugan kum­para sa ibang tao. Sa wakas, pagkalipas ng 15 taon, ang lahat ng mga dumi na dulot ng paninigarilyo ay naalis na sa iyong katawan. Congratulations at hahaba na ang iyong buhay.

Ang mga datos na ito ay base sa matagalang pananaliksik ng mga eksperto at doktor sa Amerika. Umasa ka na babalik ang iyong sigla at kalusugan kapag nagdesisyon ka nang itigil ang paninigarilyo. Kaibigan, kung gusto mong humaba pa ang iyong buhay, itigil na ang sigarilyo. Kaya mo iyan!

* * *

Alamin kung stressed ka

Stress ang pinakamalaking problema natin ngayon. Nagdudulot ito ng sakit sa puso, ulcer at sakit sa katawan. Ngunit paano ba malalaman kung stressed ka na?

Simple lang. I-check mo ang tatlong bagay:

1. Suriin ang pulso. Ang tamang pulse rate para sa matatanda ay sa pagitan ng 70 hanggang 80 na tibok bawat minuto. Kung ang pulse rate ay mas mataas sa 80 bawat minuto, ito ay posibleng ikaw ay may stress. Maglaan ng ilang sandali para bilangin ang iyong pulse at simulang tantiyahin ang stress level. Para hanapin ang iyong pulso ipatong ang una at pangalawang daliri sa pulso na malapit sa wrist. At tingnan ang iyong relo at magset ng timer sa 1 minuto at bilangan ang tibok nito.

2. Bilangin ang paghinga. Para sa matanda ang average na paghinga ay 12 hanggang 16 bawat minuto. Kung kayo ay humihinga ng mas higit pa sa 16 kada minuto, baka ikaw ay may stress. Mag-set ng timer para sa 1 minuto at bilangin ang paghinga. Huminga lamang ng normal habang binibilang ang hininga.

3. Tingnan ang ibang senyales sa iyong katawan. Ang stress ay nagpapahiwatig ng iba pang sintomas sa ating katawan. Halimbawa, ang iyong tiyan ba ay nakararamdam na para bang buhol-buhol at maasim. Masakit ang iyong ulo. Nakaramdam ka ng paninigas sa iyong leeg at balikat.

Tips:

1. Huminga nang malalim at mabagal.

2. Mag-stretch at mag-lakad-lakad.

3. Matutong tumanggi kung hindi mo na kaya.

4. Kumausap ng positibong kaibigan.

5. Ayusin ang isipan. Baka maliit lang ang stress pero pinapalaki lang ng isipan mo.

6. Huwag idaan sa alak, sigarilyo at bisyo.

7. Makinig sa music at magpahinga.

Show comments