Nasa “hot water” ang Toll Regulatory Board (TRB) dahil sa kawalan ng sistema at ang mamamayan ang apektado. Pati ang simpleng paglalagay ng cash lanes para sa mga wala pang RFID ay hindi agad masolusyunan. Nagbanta si President Duterte kamakalawa na papalitan ng sundalo ang namumuno sa TRB. Inatasan niya si Transportation Sec. Arthur Tugade na tingnan ang sitwasyon. Idinagdag ng Presidente na ang pamahalaan ang nababatikos dahil sa ginagawa ng TRB.
Bago ang pagsiklab ng galit ng Presidente sa press briefing, tumalima naman ang TRB at ibinalik ang cash lanes sa North at South Luzon Expressways. Nahiwatigan kaya nila ang galit ng Presidente?
Dahil sa pagkakaroon muli ng cash lanes, nabawasan ang trapik. Wala nang pagkabuhul-buhol hindi katulad ng mga nakaraang linggo na bumper-to-bumper ang mga sasakyang papasok sa tollway. Kailangan lang palang magpakita ng galit ang Presidente para matauhan ang mga taga-TRB.
Noong Disyembre 1, ipinatupad ang Radio Frequency Identification (RFID) System sa lahat nang expressways sa bansa. Ito ay sa utos ng Department of Transportation (DOTr). Ginawa ito para wala nang kontak sa mga teller sa bawat booth para makaiwas sa COVID-19.
Subalit naging daan sa pagkabuhul-buhol ng trapiko sapagkat marami pa ang hindi makakuha ng RFID sticker. Kailangang pumila ang mga motorista nang pagkatagal-tagal para makabitan ng RFID sticker. Ang ibang motorista, sa pila na natutulog para masigurong makakabitan ng sticker.
Nang i-implement ang RFID, inalis ang cashless transaction at dito nagsimula ang kalbaryo ng mga motorista. Nagkabuhul-buhol na. Ayon sa TRB hindi naman huhulihin ang walang RFID at on-the-spot kakabitan ang walang sticker. Pero lalo itong nag-create nang mahabang pila at nalito pa ang mga motorista kung saan pipilang lane.
Marami ang humiling na ibalik ang cash lanes at saka na lamang iimplement nang tuluyan ang cashless transaction kapag nakabitan na lahat ng sticker. Isa pa, maraming mga nasa probinsiya na luluwas ng Metro Manila ang malilito dahil wala pa silang sticker. Sa kasalukuyan, maraming na-stranded sa mga probinsiya dahil sa lockdown. Kung pananatilihin ang cash lanes, hindi magkakaroon ng problema sa pila.
Dahil sa biglaang galit ng Presidente sa mga namumuno sa TRB, maaaring hindi na alisin ang cash lanes. Nagkaroon na sila ng aral sa nilikhang pagbubuhol ng trapiko na ang naperwisyo ay ang mamamayan.