Alin ang mahalaga – kapaligiran, mamamayan o large-scale mining?

Alin nga ba tunay na mahalaga? Ang pagbabantay sa kapaligiran, kapakanan ng higit na nakararaming mama­mayan o ang large-scale corporate mining?

Nais dagdagan ng Benguet Corporation (BC) ang taas ng Tailings Storage Facility 2 nito sa Itogon para mapigilang­ umapaw sa Agno River.

Subalit nangangamba ang mga naninirahan sa down­stream barangays ng Poblacion, Tinongdan at Dalupirip, sa panganib lalo at walang kasiguruhang hindi mawawasak ang tailings dam.

Hindi lang nagbabadyang panganib ang ikinababahala ng mga mamamayan, kundi ang matagal nang polusyon ng Agno River mula sa tailings ng BC na 100 taon nang nagmimina sa Itogon.

Isinisisi rin sa downstream communities ang pala­giang­ fish kills dahil umaabot ang tailings sa kanilang fish cages. Hangga’t may tailings dam, mananatili ang kanilang bangungot.

Hindi na mabilang ang reklamong idinulog sa mga ahensya ng pamahalaan ukol sa mga suliranin at pangamba, ngunit nanaig ang interes ng corporate mining.

Pinayagan ng Mines and Geosciences Bureau (MGB) at Environmental Management Bureau (EMB) ng DENR ang BC upang ipagpatuloy ang pagpapataas sa tailings dam. Ayon din sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP), hindi na kailangan ng Free-and-Prior-Informed-Consent (FPIC) na naayon sa IPRA dahil hindi namang mayor na proyekto. Sumuko na rin ang lokal na pama­halaan ng Itogon at pinayuhan ang mamamayan na ipaubaya na lang ang desisyon sa korte.

Hindi lamang sa Itogon, Benguet may ganitong kalaga­yan, kundi napakarami pang pook sa bansa mula sa Northern Luzon hanggang Mindanao. Nagreresulta ito sa pagkahati-hati ng komunidad, di-pagkakaintindihan o kaya’y mitsa ng rebelyon sa ilan.

Mayroong nga bang “win-win solution” sa ganitong kalagayan?  Saan nga ba dapat pumapanig ang mga ahensiya ng pamahalaan?  Ang lokal na pamahalaan? Ano ang kanilang dapat isinaalang-alang?

* * *

Para sa suhestiyon: art.dumlao@gmail.com

Show comments