May lumang kasabihan na kung ano ang puno ay siya rin ang bunga. Kung anong asal, kaugalian, kultura at ideolohiya ang ating ginagawa, asahang matututunan at uugaliin din ng ating mga anak.
May pinag-uugatan kasi ang “behavior” ng mga kabataan. Maaaring sadyang itinuro, uri ng pagpapalaki o ang magulang ay pabaya, walang pakialam o kunsintidor sa ginagawa ng kanilang mga anak.
Kung ano ang itinuro mo sa iyong anak, makikita kung anong klaseng magulang ka. Reflection sa simpleng salita.
Bakit paulit-ulit kong binabanggit ito? Dahil gusto kong idikdik sa kukote ng bawat #AmaAko at #InaAko na mahalaga ang papel ng mga magulang sa pagkatao, tagumpay o pagkabigo ng ating mga anak.
Gusto kong magbigay ng babala lalo sa panahong ito kung saan lahat ay may access sa internet.
Obligasyon nating mga magulang na gabayan at turuan ang mga anak sa daigdig ng social media.
Dapat ikintal sa kaisipan ng mga anak, na anumang post sa social media --- twitter man o Facebook ay may tinatawag na “consequence” at “accountability.”
May kokontra, papabor lalo na kung makikisawsaw sa mga isyung nasyonal. Walang masama na magpahayag ng opinyon at maging aware sa nangyayari sa iyong komunidad.
Ang tanong, handa ka bang laitin, murahin, okrayin? Handa ka bang panindigan ang iyong ipinaglalaban?
Kung sakaling ma-bash, talaga namang masakit para sa isang magulang lalo na sa isang ina na makitang kinukuyog ang kanyang anak.
Halimbawa ay ang isang hija diyan na sa sobrang kaka-tweet, natuwa at masyadong bumilib sa sarili.
Hindi mo na malaman kung nagpapatawa ba o sadyang nambubuwisit na tila “all knowing” na sa mundong ito.
Ipinost ‘yung kanya raw “notes” noong siya 11-anyos pa lamang laban sa isang namayapang Chief Justice na na-impeached noon.
Ang siste, nagmalaki sa sarili subali’t hindi naisip na irespeto ang pagyao at pamilyang naiwan. Lumabas na bastos ang dating ng kanyang tweet kaya patuloy na inookray ngayon ng publiko.
Kung nakintal lamang kasi sa murang pagiisip ng bata ang tamang pakahulugan ng respeto sa tao buhay man o patay ay baka hindi siya nalagay sa sentro ng kontrobersiya.
Ang kanyang ina ngayon, umiiyak sa social media sa sobrang sama ng loob kung bakit daw ganoon na lang laitin ang kanyang anak. Ang di iniintindi ng nanay na ‘to, epekto lamang ito ng problema.
Ano ang ugat? Tingnan ang puno iyon din ang bunga.