Mga ‘bagong normal’ matapos ang pandemic

Anumang bagong gawin mo araw-araw nang 21 araw ay kauugalian mo, anang psychologists. At dahil maraming binago sa ating routine ang COVID-19 at mahabang home quarantine, magiging mga bagong gawi din ito ng lipunan.

Mas magiging malinis tayo sa katawan at bahay. Ugali na natin maya’t maya maghugas ng kamay at mag-disinfect ng mga hinahawakan. Hindi na tayo hahalik, magmamano o makikipag-kamay kung kani-kanino; kindat, fist bump o kaway na lang ang batian natin. Natuto tayong magbasa ng libro’t magasin; masasarapan tayo sa gan’ung leisure. Sanay na tayo sa sapat na tulog, regular na workout, at masustansiyang kain.

Sa trabaho magiging “bagong normal” ang work from home. Hindi na kailangang makipagsiksikan sa tren o bus; timplado na natin ang oras sa trabaho, gawaing bahay, at pamilya. Batid ng maraming boss na sayang lang ang upa sa opisina, at bayad sa kuryente, tubig at telecoms kung papasok pa ang puwede sa bahay lang. Online na lang ang mga miting.

Mas nanaisin nating manatili sa bahay, kasi sanay na tayo sa social distancing. Hihina ang industriya ng turis­mo, airlines, at gamit sa biyahe. Pati bars at restorans lalangawin; lalakas ang delivery service. Sisipa rin ang teknolohiya:  Mag-a-upgrade tayo ng gadgets at wifi data services, para mas mabilis ang downloads ng games at papanoorin sa bahay. Iiwas tayo sa sinehan, teatro, pati malalaking simbahan; home entertainment at worship lang. (Si father o Pastor mangungulila.) Iiwas din tayo sa engrandeng binyagan, kasalan, at burol.

Magiging mapanuri tayo sa sabi-sabi ng mga pulitiko, at ng di-kilalang Netizens. Alam na natin suriin ang fake news at saliksikin ang totoo. Tutuligsain natin agad ang mga epal, bulaan, at iwas-tungkulin. Ang mga bastos na online trolls ay mawawalan ng saysay, buti nga!

* * *

Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).

Show comments