^

PSN Opinyon

EDITORYAL - Hayaang mapanood ang Maguindanao massacre verdict

Pilipino Star Ngayon
EDITORYAL - Hayaang mapanood ang Maguindanao massacre verdict

ILALABAS na sa isang linggo ang hatol sa mga akusado sa pinaka-karumal-dumal na krimen sa Pilipinas --- ang Maguindanao massacre. Ayon sa Korte Suprema, dedesisyunan na ang kaso sa Disyembre 19. Eksaktong 10 taon at 27 araw makaraang gawin ang krimen na may kinalaman sa election. Marami ang sumusubaybay sa kasong ito at tiyak nang mag-aabang sila sa telebisyon para mapanood ang desisyon ng korte.

Ang problema ay kung papayagan ng Korte Suprema na mapanood nang live sa television ang pagbibigay ng verdict. Sa kasalukuyan, wala pang inaanunsiyo ang Kataas-taasang Hukuman kung papayagan ang live coverage. Pero marami ang positibo na pagbibigyan ang hiling nang nakararami na mapanood ito.

Kabilang sa mga humihiling na payagan ang live coverage ay National Union of Journalists of the Philippines, Center for Media Freedom and Responsibility at Philippine Center for Investigative Journalism. Ayon sa mga grupo, marami sa mga kaanak ng biktima ng massacre ang nasa probinsiya kaya dapat silang bigyan ng pagkakataon na makita o mapanood ang pagbababa ng hatol. Gagawin ang hatol sa Camp Bagong Diwa, Taguig City. Ang magdedesisyon ay si Quezon City Judge Jocelyn Solis Reyes.

Nararapat payagan ng Kataas-taasang Hukuman na mapanood nang live ang pagdedesisyon sa kasong ito. Sa mga nakaraan, pinayagan nang live ang mga sensational na kaso gaya ng Vizconde massacre at ganundin sa kaso ni dating Calauan, Laguna Mayor Antonio Sanchez.

Hindi malilimutan ang Maguindanao massacre sapagkat 58 katao ang walang awang pinatay dito. Kabilang sa mga biktima ang 32 mamamahayag. May ilang sibilyan na napadaan lang sa lugar pero pinatay din sila. Pinagsama-sama silang inilibing sa isang hukay. Pati mga sasakyan ay isinama sa hukay para maitago ang krimen. Pangunahing suspect ang pamilya Ampatuan na kinabibilangan nina Zaldy at Andal at 100 nilang tagasunod.

Payagan ang live coverage upang malaman ng lahat ang kinahinatnan ng karumal-dumal na kaso. Sampung taon itong hinintay at sana hindi ipagkait ang kahilingan ng nakararami. Hayaang mapanood ito.

KORTE SUPREMA

MAYOR ANTONIO SANCHEZ

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with