BINALAAN ng United States ang China na hindi dapat binabantaan ang mga bansa sa rehiyon, partikular ang soberenya ng bawat bansa. Pinuna ang militarisasyon ng mga islang nilikha ng China. Sa talumpati ni US Secretary of Defense Patrick Shanahan sa Singapore, ipinahayag na “mga kilos na nagpapahina sa soberenya ng ibang bansa kung saan nagtatanim lamang ng pagdududa sa mga intensiyon ng China ay kailangan nang tumigil”. Dapat maganda raw ang relasyon ng lahat ng bansa sa isa’t isa. Naunang nagsalita si Shanahan sa pagtitipon sa Singapore.
Sumagot naman si Chinese Defense Minister Gen. Wei Fenghe. Nangako na kikilos ang People’s Liberation Army kapag may nangontra sa kanilang pag-aangkin sa Taiwan at South China Sea. Binatikos ang paglalayag ng mga barkong pandigma sa karagatan. Hindi raw naghahanap ng gulo ang China, pero hindi rin sila natatakot harapin ang sinumang manggugulo. Kahit isang pulgada ay hindi daw isusuko ng China kaninuman. Mas maanghang na pahayag ang binitawan ng heneral, at isinama pa ang Taiwan. Tila paalaala sa lahat na hindi papayagan ang paghiwalay ng Taiwan sa China.
Kailan lang ay hinarang ang signal ng mga kagamitang komunikasyon ng barko ng Philippine Coast Guard habang lumalayag sa South China Sea malapit sa Mischief Reef na kontrolado ng China. Karaniwan na raw nagaganap ito kapag malapit sila sa mga islang kontrolado ng China, kasama ang Panatag Shoal. Ganito na ang estado ng relasyon ng US at China. Hindi lang mga isyu sa ating rehiyon may katunggalian kundi pati rin sa kalakalan. Nagpataw ng sari-saring taripa laban sa mga produkto ng kabilang bansa ang dalawang makapangyarihang ekonomiya. Kapansin-pansin din ang bilis at paglakas ng militar ng China, na mistulang pinaghahandaan ang US, kahit hindi ito tahasang binabanggit.
Nalalagay naman tayo at ibang bansa sa Timog-Silangang Asya sa kalagitnaan ng alitan ng dalawang bansa. Ang US ay matagal na nating kaalyado habang ang China naman ang kinakaibigan ni President Duterte. Pero kahit ano pang amor ang ipakita ni Duterte sa China, hindi magbabago ang katayuan nila hinggil sa mga isla at karagatan. Kaya paano na ang ating pag-angkin sa ilang mga isla? Kung ganyan na magsalita si Gen. Fenghe na handang kumilos ang kanilang militar, ano pa maaangkin natin? Binabara na nga ang signal ng ating mga barko. Baka pati mga sibilyang eroplanong lumilipad malapit sa mga isla ay ganundin ang nararanasan. Nagiging peligroso na ba ang lumayag at lumipad sa rehiyon ngayon?