Pagkain para lumakas

KAPAG gusto mong mag-ehersisyo o magtrabaho nang mabigat, kailangan mo ng sapat na lakas. Makukuha natin­ ito sa pamamagitan ng tamang pagkain.

1. Saging – Napakaganda ng saging sa mga nag-eehersisyo dahil mayroon itong taglay na carbohydrates, vitamin B at potassium. Ang potassium ay kailangan sa normal na pagtibok ng puso at paggalaw ng muscles. Masdan n’yo ang mga tennis players na palaging kumakain ng saging.

2. Spaghetti – Nagbibigay ng lakas ang spaghetti dahil­ sa taglay nitong carbohydrates. Sa mga diabetic, mas mainam ang spaghetti kaysa sa kanin, dahil mas hindi tataas ang iyong asukal sa dugo.

3. Gatas – Ang gatas ay isang kumpletong pagkain dahil mayroon itong carbohydrates, protina at fats. May vitamin B pa ito na nagbibigay ng lakas. Piliin lamang ang low-fat milk para hindi tumaba.

4. Chocolate bar – Para sa kabataan, puwedeng kumain ng tsokolate dahil mayroon itong asukal, gatas at cocoa. Maituturing itong energy bar. Pero limitahan lang ang kakainin sa isang maliit na hiwa at baka ikaw ay tumaba.

5. Pakwan – Ang pakwan at buko ay napakabisang natural energy drinks. Ang pakwan ay may 92% alkaline water na mabuti sa katawan. Punumpuno rin ang pakwan ng vitamin B, potassium at electrolytes na kailangan ng taong laging pinapawisan. Maganda rin ang pakwan bilang panlaban sa heat stroke at init ng panahon.

6. Buko – Ang sabaw ng buko ay maraming electrolytes na maihahambing na sa suero na ginagamit ng doktor. Ang laman ng buko ay may carbohydrates na nagpapalakas at nakabubusog din.

7. Nilagang itlog – Ang itlog ay siksik sa protina, vitamin B at vitamin D. May sangkap pa itong Choline na kailangan ng ating utak. Limitahan lang ang pagkain sa 1 o 2 itlog sa maghapon.

8. Nilagang mani – Ang mani ay punumpuno ng protina, minerals at good fats na nagbibigay ng lakas. Mas masustansiya ang nilagang mani kaysa sa pritong mani dahil wala itong mantika at mababa sa asin.

Dagdag payo para lumakas: Kumain ng mas madalas pero katamtaman lamang. Ito’y para makakuha tayo ng tuluy-tuloy na suplay ng enerhiya mula sa pagkain. Sa umaga, kumain din ng masustansiyang almusal para may lakas tayo.

Isang paalala: Huwag sosobrahan ang pagkain ng mga nabanggit dahil puwede tayong tumaba. Tandaan lamang na kapag mayroon tayong kinain, ay sasabayan ng ehersisyo para matunaw ito.

Show comments