NAGSIMULA na umano ang pagsasaayos ng runway sa Pag-asa Island. Batay sa mga larawan mula sa isang grupo sa US, namataan ang dalawang paraw na may backhoe at isa pang kagamitan. Napansin din sa mga nasabing litrato na may bagong latag na buhangin sa tabi ng runway. Walang anunsiyo mula sa gobyerno na inaayos na pala ang runway, kaya umaasa lang sa ulat na ito. Pero noong isang taon pa ipinahayag ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na aayusin ang mga pasilidad sa Pag-asa nang bumisita sa isla. Hindi matuluy-tuloy ang pagsasaayos dahil baka umangal ang China, bagay na ayaw gawin ni Pres. Rodrigo Duterte.
Sana nga, ayusin na ang Pag-asa Island, ang pinakamalaking isla na hawak ng bansa. Matagal nang inaasahan ng mga nakatira roon. Sana hindi lang ang runway, kundi lahat ng istruktura. At hindi lang ayusin, pagandahin na rin, para maginhawahan naman ang ating mga kababayan na nagtitiis manatili sa Pag-asa, para bantayan na rin ang ating pag-aangkin sa teritoryo. May pag-asa na sa Pag-asa. Napag-iwanan na nga tayo ng ibang bansa sa ganda ng kanilang mga pasilidad. May mga sariling kuryente. May mga pantalan at paliparan na maayos. Mga maayos na tulugan para sa kanilang sundalo at mamamayan. Ang isang isla pa nga ay mistulang resort na pinupuntahan ng turista. Ganyan kaayos ang kanilang mga hawak na isla. Samantalang ang hawak natin, kawawa. Isa pa naman sa pinakamalaking natural na isla ang Pag-asa. Kaya lang naman malalaki ang mga islang hawak ng China ay dahil nilikha lang nila.
Kung sakaling umalma ang China, sana naman manindigan ang administrasyong ito at ituloy ang trabaho. Ayon nga sa dating commander ng Western Command, nanindigan sila kahit higante ang kalaban. Alam nila ang kanilang sinumpa – na ipagtanggol ang bansa, kahit sino pa ang kalaban. Ayon sa kanya, hindi naman daw basta-basta makikipagdigma ang China sa mga bansa sa rehiyon, dahil alam nila na mananagot sila, kung hindi sa mga kaalyado ng bansa, sa mundo.