‘Mga bahay na inagaw?’

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

Gutom, walang maayos na kagamitan pero tinitiis ito ng ilang pamilya sa pag-asang ang sinisilungang bahay ay sa kanila rin mapupunta.

Ilang pamilya ang sumugod sa pabahay na proyekto ng National Housing Authority (NHA) sa Pandi, Bulacan.

Sigaw nila para naman daw sa mahihirap ang mga bahay kung bakit hindi pa ipamahagi.

Napanood na rin natin sa balita sa telebisyon ang ilang interview sa mga kababaihan na miyembro ng KADAMAY o ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap.

Ang sabi sa kanila kapag dumalo ng mga meeting magkakaroon sila ng sariling bahay. Lahat pinuntahan nila dahil may attendance daw ito at yun ang pagbabasehan kung mapapamahagian sila ng bahay.

Kasama dito ang mga rally na ang ilan ay pinipilit na magpunta kung ang kapalit naman ay sariling tahanan para sa kanilang pamilya.

Maraming informal settlers sa bansa. Mahigit isang milyong pamilya ang bilang nila. Mahigit kalahating milyon ay naninirahan sa Maynila.

Sa mahigit kalahating milyong walang sariling bahay sino ba talaga ang karapat-dapat at talagang walang kakayahang magrenta o magbayad ng kanilang matutuluyan?

Hindi kaya ng gobyerno na bigyan lahat ng pamilyang ito sa buong bansa ng pabahay kaya may sinusunod silang patakaran kung saan sasalain ang mga aplikante kung sino ang talagang mahirap at talagang nangangailangan ng tahanan.

Ilang libong pamilya ang omokupa sa ilang bahay sa Pandi, Bulacan kahit pa ang ilang dito ay nai-award na sa benepisyaryo nito.

May kailangang batas na sundin sa pagbibigay ng nasabing pabahay. Alam nating maigi na ipinangako ng Presidente Rodrigo Duterte na pagkakalooban niya ng pabahay ang mga kababayan nating mahihirap.

Ang iginigiit ng lider ng KADAMAY na si Gloria Arellano na inilalaban lamang nila ang karapatan ng mga mahihirap na magkaroon ng sariling bahay.

Hindi naman daw iligal ang ginawa nila sapagkat alam nila na ang mga pabahay ay ginawa para ilaan sa kanila.

Masyado din daw maraming proseso ang ibinibigay ng NHA. Ilang beses na din daw silang dumalo sa dialogo nitong mga nakaraang taon pero hindi pa rin sila nagkakabahay hanggang ngayon.

Giit niya pa na panahon na para bawiin ang karapatan nila na magkaroon ng sarili nilang bahay. Habang maraming mahihirap ang pinagkakaitan na magkaroon ng bahay ay mas nalulugmok sila sa kahirapan.

Balakid lamang daw para sa kanila ang mahabang proseso ng NHA na kinakailangan nilang pagdaanan.

Idaan sa dialogo at hindi ang iligal na pag ookupa ang gawin ng mga tao. May tamang proseso at kailangang pagdaanan dito ayon sa Presidente.

Giit ng grupo ng mga mahihirap hindi daw ito anarchy tulad nang sinasabi ng Presidente at legal umano ang kanilang pag-okupa sa mga ito.

Malaking parte ng Pandi, Bulacan ang ginagawan ng housing project para sa mga mahihirap. Ilang parte na rin ang pinasok ng mga taong ito at halos nasa limang libong na ang nasa loob.

Kahit pa sabihin mong may bakod na nakalagay dito, tinawid nila ang bukid para makapasok.

Ikinandado ang ilan at nilagyan ng kurtina na para bang talagang inaangkin na nila.

Ang tanong ko naman sa ating mga kababayan na kasalukuyang naninirahan sa loob ng mga bahay na yan. Paano naman ang mga taong nakakuha ng mga pabahay na nagpasa ng mga dokumento at naaprubahan, sila naman ang nawalan dahil sa pagtira ninyo sa bahay na nakalaan na sa kanila.

Mahirap din sila at naghahangad na magkaroon ng sariling bahay. Lahat ng tao gustong magkaroon ng bahay.

Hindi mo pwedeng ipwersa ang sarili mo sa isang bagay lalo pa kung hindi naman nagdaan sa tamang proseso na inilaan ng gobyerno.

Paano naman kaya ang gagawin ng ating Presidente para mapaalis ang ilang libong pamilya na kasalukuyang naninirahan sa mga nasabing pabahay.

Bagamat mahaba ang prosesong hinihingi sa kanila paraan din ito para malaman kung ang mabibigyan ng bahay ay karapat-dapat ba at yung talagang walang kakayanan.

Nagpahayag na ang Presidente na mapipilitan siyang paalisin at buwagin ang mga taong ito kung magmamatigas sila postehan ang lugar na kasalukuyang inookupa.

Hindi pa lamang nakakalipat ang mga benepisyaryo ng mga bahay na ito dahil sa mga dokumentong inaayos.

Maglalabas ang President eng ‘eviction order’ para mapaalis ang mga taong umookupa na walang hawak na dokumento para mapasakanila ang pabahay ng gobyerno at nang mapunta ito sa karapat-dapat at talagang benepisyaryo.

Sabi naman ng Alyansang Makabayan (Bayan) hindi daw anar­kiya ang ginawa ng grupo at inokupa nila ng organisado ang lugar.

Paglalaban sa karapatan at ang pagkaka-award ng mga bahay sa mga sumali sa protesta ang kanilang inilalaban.

Napakarami daw bakanteng bahay na ito habang maraming pamilya ang nananatiling walang tahanan.

Ayon pa sa kanila patunay lang daw ito na hindi nagtagumpay ang Presidente na mabigyan ng bahay ang mga mahihirap.

Nasa Presidente na ngayon ang desisyon kung paano niya sosolusyonan ang ginawang ito ng mga tao.

Handa siya sa isang dayalogo pero kung hindi naman makikinig ang kabilang panig ay balewala lang ito.

Kinakailangan lamang mapagkasunduan ang mga dapat pagdaanan na pabor sa magkabilang panig.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Show comments