TALAMAK ang corruption sa maraming tanggapan ng pamahalaan. At ang apektado ng mga nangyayaring katiwalian ay walang iba kundi ang mamamayan. Ang mga serbisyong dapat kamtin ng mamamayan ay hindi naisasakatuparan sapagkat ang perang nakalaan para sa mga ito ay napupunta sa bulsa ng mga kawatan. Ito ang dahilan kaya patuloy ang paghihirap ng mamamayan.
Ang katiwaliang ito ang target wasakin nang papasok na administrasyon. Ipinakilala na ni President-elect Rodrigo Duterte ang mga miyembro ng kanyang Cabinet noong Martes at kasabay nito, agad siyang nagbabala sa mga gumagawa ng masama na tigilan na ito sapagkat magi-ging mahigpit siya. Ipatutupad niya ito at walang makapipigil sa kanya. Lahat nang ito ay siya ang may kagustuhan at walang nag-uutos sa kanya.
Una na niyang binalaan ang mga corrupt sa Bureau of Internal Revenue (BIR), Land Transportation Office (LTO) at Bureau of Customs (BOC). Sabi niya, ang tatlong tanggapang nabanggit ay talamak ang katiwalian at dapat nang matigil. Nagbanta rin siya na bubuwagin ang tatlong tanggapan kung hindi magbabago ang mga opisyal at empleado rito. Hindi raw siya mangingiming gawin ito para lamang masawata ang mga gumagawa ng masama.
Binalaan din niya ang mga judges na sangkot sa corruption. Harap-harapan niyang sinabi na ang iniisyung Temporary Restraining Order (TRO) ay for sale. Bakit daw kailangang mag-isyu nang mag-isyu ng TRO ang judges? Tiyak na binayaran ang judge kaya nag-iisyu ng TRO.
Alam na alam ni Duterte ang kalakarang nangyayari sa court sapagkat dati siyang prosecutor.
Wakasan na ang corruption sa bansang ito. Lipulin ang mga masisibang “buwaya” na walang kabusugan. Ito lamang ang tanging paraan para ganap na maramdaman ng mamamayan ang tunay na pagbabago sa bansa.
Sa Hunyo 30 manunumpa si Duterte at malalaman ng taumbayan kung gaano siya kabagsik sa mga gumagawa ng masama.