(Unang Bahagi)
HUWAG PAUTAY-UTAY ANG LATAG kung kaya naman ng isang buhos ang bigay!
Tinalian habang nakahubad at kinunan ng video. Isa ito sa bintang na umano’y ginawa ni Gaylord de Asis.
“Hindi ko nga sila nakakausap. Nung magkaso sila dun lang kami nagkaharap. Sa kabilang eskinita sila nakatira,” ayon kay Gay.
Ang bintang na RA 9995 o Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 in relation to RA 7610 ang kinakaharap niyang reklamo ngayon.
May natanggap na lamang daw siyang patawag sa Prosecutor’s Office ng Cubao, Quezon City na kinasuhan siya ng isang Armando Ramos na nakatira lamang sa kanilang lugar.
Ito umano ay bunga ng pagkuha nila ng video sa kanyang anak na itatago namin sa pangalang ‘Rina’ na ngayo’y labing siyam na taong gulang.
Nabanggit umano sa kanya ng kinakasamang si Annelyn na may sinasabi raw si Armando na may ginawa sila sa kanyang anak na si Rina. Nung una ipinagwalang bahala ni Gaylord ito sapagkat inakala niyang walang katotohanan ang narinig.
“Nakatanggap na lang kami ng patawag sa Prosecutor’s Office. Agad kaming nagpunta para alamin at makapagbigay ng panig ko,” sabi ni Gaylord.
Kampante umano si Gaylord na harapin ang kahit na anong reklamo sapagkat alam niyang wala siyang ginagawang masama sa kanyang kapwa.
Ayon sa naging salaysay ni Armando, ika-lima ng Setyembre 2014 habang naglalaro raw siya sa kanyang cell phone ay naisipan niyang buksan ang video ng kanyang cell phone.
Nagulat na lang siya nang may makitang video ng anak habang ito ay nakahubad. May ilan pa raw na video doon na nabura niya sa inis at galit.
“Agad kong pinuntahan sa pinagkukuhanan ng kalakal ang anak ko. Inakay ko siya pauwi. Habang nasa daan kami saka ko siya tinanong kung sino ang kumuha ng video,” ayon kay Armando.
Pinangalanan niya sina Mary Rose Gabriel, Rolando Gabriel Jr. at Gaylord de Asis daw ang may gawa nito.
Sa ibinigay namang salaysay ni Rina kay PO2 Maricel Tejada ng Cubao Police Station, nagpunta siya sa paliguan para magbihis. Habang nasa loob siya pumasok sina Mary Rose, Rolando at Gaylord.
Dinala siya sa loob ng kwarto at pinahiga dun. Hinubaran siya ni Rolando at tinalian siya sa paa habang si Mary Rose ang kumukuha ng video. Nilagyan pa raw ng sabon ng mga ito ang kanyang mata.
Pagkatapos daw ng ginawa sa kanya ay umalis na din ang tatlo. Hindi siya kaagad nakapagsumbong sa kanyang ama sapagkat natakot siyang balikan ng mga ito sa kanilang bahay.
Depensa ni Gaylord wala raw katotohanan ang lahat ng ibinibintang sa kanya at idinadamay lang siya ni Armando sa lahat ng away nito sa sariling pamilya.
“Nung panahong yun hindi ako nagpunta sa bahay nila. Kasalukuyan akong nagbabantay ng paninda ng aking kinakasama,” wika ni Gaylord.
Nung bumalik mula sa pamimili ang ka ‘live-in’ dun pa lamang siya lumabas at namasada sa kanyang mimanehong traysikel. Kailangan niyang kumayod sapagkat may binabayaran pa silang motorsiklo.
Wala raw siyang kinalaman sa video na binabanggit ni Armando. Nakakapagtaka rin daw na mismong sa cell phone pa ni Armando nandun ang video na hindi naman umano nito maipaliwanag kung paano nailagay dun.
“Wala man lang siyang maipakitang kahit screen shots man lang ng malaswang video ng kanyang anak. Ang ibinigay niyang compact disk sa akin na kopya ko raw ay wala namang laman,” salaysay ni Gaylord.
Sa puntong ito dumesisyon si Gaylord na magtungo sa kanilang barangay upang ipatala na ang ‘compact disc’ na natanggap ay walang laman.
Humarap sa mga patawag si Gaylord. Ang dalawang inakusahan ay hindi umano nagpapakita.
“Ang anak niya may problema sa pag-iisip pero hinahayaan niya lang na magpagala-gala. Hindi kasi kasama ni Rina ang kanyang ina,” pahayag ni Gaylord.
Wala rin daw siyang motibo para gawin kay Rina ang mga ibinibintang ni Armando sa kanya. Apat umano ang anak nito, may sarili nang pamilya ang panganay at pangalawa si Rina.
Nasa pangangalaga raw ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang pangatlo dahil nasangkot sa krimen habang nasa poder din ni Armando ang bunso.
Halos isang taon ang itinakbo ng kaso at ‘submitted for resolution’ na ito at hawak ni Assistant City Prosecutor Flordeliza Ramos Lagasca.
“Dumalo kami ng pagdinig noong ikalima ng Agosto 2015. Nagulat ako na may bagong kaso na naman silang isinasampa,” pahayag ni Gaylord.
RAPE naman daw ngayon ang ikinakaso sa kanya ni Armando. Ginahasa umano nila si Rina. May pangatlong lalaki pang isinasangkot sa pangyayaring ito.
Naganap daw ito noong ika labing siyam ng Pebrero 2014.
“Kung talagang ginawa ko ang ibinibintang nila bakit hindi nila isinama sa una nilang isinampang kaso? Bakit ngayon lang? Bakit parang nanganganak ang mga kaso laban sa akin?” pagtataka ni Gaylord.
May galit lamang daw sa kanyang kinakasama si Armando dahil sa pinapautang ito sa kooperatiba nila ngunit ayaw ng kanyang kinakasama.
“Nag-iinuman sila nun sa may eskinita. Naiwan akong mag-isa sa bahay bigla na lang silang pumasok sa bahay. Hinila ako sa bahay nina Tito Boy dun ako tinali at hinubaran,” ayon sa salaysay ni Rina.
ABANGAN sa MIYERKULES ang karugtong ng kwentong ito at kung paano umano ginahasa ng tatlong kalalakihan si Rina. Pati resulta ng eksaminasyon na ginawa sa umano’y biktima EKSKLUSIBO rito lang sa CALVENTO FILES sa PSNgayon.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
PARA SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari rin po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618