5 batalyong sundalo vs Abu

LIMANG batalyong sundalo ang ipinadala sa Basilan para labanan ang Abu Sayyaf. Ang isang batalyon ay may 300 hanggang 500 sundalo. Bukod sa mga batalyon ng sundalo, may mga ipinadala na ring “specialized units”. Si AFP Chief of Staff Gen. Gregorio Catapang ang mismong nagtungo sa Basilan para kausapin ang mga kumander sa lugar. Paiigtingin na raw ang all-out enforcement laban sa Sayyaf, beinte-kuwatro oras. Nakikipag-ugnayan na rin sila sa mga pulis doon.

Ilan na ang nanawagan ng “all-out war” laban sa Sayyaf. Sana ito na iyon. Isla ang Basilan, kaya mapapaligiran ang kalaban. Ginamit ang salitang “neutralize”. Ibig sabihin, gawin nang walang silbi, o hindi na epektibo. Alam na natin ang pinakamagandang paraan para tala-gang wala na silang silbi, hindi ba? Tama rin ang panahon ng pagpapaigting ng operasyon. Ipinakita ng Sayyaf ang milyong pisong pantubos na ibinayad umano para sa kalayaan ng dalawang Germans na bihag nila. Kung tunay man ang pera o hindi, mabuti na at simulan na ang operasyon bago magamit pa ang pera para makabili ng mga malalakas na armas.

Sana seryoso na ang mga otoridad na tapusin ang Sayyaf. Huwag tumigil. Suyurin ang isla at tapusin na ang mga salot. Wala na rin naman silang nagagawang maganda para sa bansa, kaya walang mawawala kung mawala na rin sila. Pati sa Sulu ay may operasyon rin ang AFP laban sa mga kriminal. Mabuti iyan. Kung magkakaroon ng tunay na kapayapaan at kaunlaran sa rehiyon, kailangan mawala na muna ang Sayyaf.

Hindi na siguro magiging mahirap ang misyon ng AFP kung may suporta na ng mga lokal na opisyal. Ang hinala kasi noon ay may suporta ng mga lokal na opisyal ang Sayyaf kaya malakas ang loob nilang gumawa nang masama. Mabuti at nagpahayag ng suporta sa tuluyang pagsugpo sa mga terorista. Sawa na rin sila sa salot na dulot ng Sayyaf. Sino ba naman ang may gusto niyan, maliban na lamang sa mga nakikinabang rin sa Sayyaf? Aantabayanan ng mamamayan ang resulta ng operasyong ito. Ipinagdadasal natin na maging matagumpay ang operasyon.

 

Show comments