P-Noy hindi plastik

MAINAM ang nagpapakatotoo. Yung bang walang halong pagbabalatkayo sa sarili. Hindi nga ba kapag napuna ng iba na ang inihahayag mo ay hindi akma sa totoo mong damdamin, sinasabing puro kaplastikan ang iyong sinasabi?

Ngunit naitatanong ko sa aking sarili kung minsan. Tama ba palagi ito lalu na para sa isang Pangulo na tumitimon sa bayan?

Sa kanyang talumpati kaugnay ng kanyang pagbisita kamakailan sa United States, inamin ng Pangulo na binalak niyang paghigantihan ang mga may kagagawan sa pagpaslang sa kanyang amang si Sen. Benigno Aquino Jr.

Batid na ng lahat na buong-buo sa paniniwala ng pamilya ni P-Noy na si Marcos ang nagpapatay sa kanyang ama.

Posibleng  sari-saring opinion ang mabubuo sa pahayag ng Pangulo. May mga magsasabing “nagpapakatotoo lang siya” at may mga magsasabi ring “wala siyang diplomasya”.

Sa aking palagay, okay lagi ang nagpapakatotoo pero depende sa sitwasyon. Ito’y palatandaan ng honesty. Pero may tinatawag na right forum o tamang lugar para dito. Hindi ko matiyak kung ano ang reaksyon ng mga nakarinig, lalu na yung mga banyaga sa sinabi ng Pangulo.

Ang leader ng bansa, sa pananaw ko ay di na dapat magahayag na personal na emosyon. Diyan pumapasok ang “art of diplomacy.” Hindi na ang personal na damdamin ng leader ang importante kundi ang damdamin ng bawat mamamayang Pilipino, kahit pa sila’y “pro-Marcos” o anti-Marcos.” Ang Presidente ay pinuno  ng lahat at si P-Noy ay Presidente pati ng mga pro-Marcos at ng mga inulilang kaanak ni Marcos.

Nang tanungin ang anak ni Marcos na si Sen. Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ayaw niyang magkomento tungkol sa statement ni P-Noy maliban sa pagsasabing “that is his personal feeling and I will not comment on it.” Ang batang Marcos ay alam na ng lahat na may presidential ambition sa 2016. Hindi rin maiiwasan na isipin ng iba na ang pahayag ni P-Noy ay naglalayong sariwain sa isip ng taumbayan na ang pagkakapaslang ng kanyang ama na si Ninoy ay kagagawan ni Marcos. Ayon kasi sa isang survey, marami na sa mga bagong sibol na kabataang Pilipino ang limot na ang madilim ng insidente noong dekada 70, nang ang naghahari pa noon ay si Ferdinand E. Marcos.

Show comments