Rotary Club of Manila Journalism Awards 2014

ANG 2014 Journalism Awards ng Rotary Club of Manila (RCM) ay ginanap kahapon sa New World Hotel, Makati. Ang RCM Awards ay haligi na sa industriya ng Tri-Media. 34 years na itong iginagawad – inumpisahan noong 1966 bilang pagkilala at pagparangal sa mga natatanging journalists mula sa radio, telebisyon at mga pahayagan. Ang intensyon nito ay lalong pag-ibayuhin ang “proper development of journalism”at upang lalong ganahan ang mga media practitioners na siryosohin ang kanilang sensitibong panunungkulan.

Napakataas ng respetong ibinibigay sa RCM awards. Tinawag itong “most prestigious” sa lahat ng ganitong parangal. Sa katunayan, lahat nang awardee kahapon, kabilang ang aking ama na si Ambassador Ernesto Maceda na binigyan ng Special award sa serbisyong hatid ng kanyang opinion column sa Philippine STAR, ay dumating upang tanggapin ang parangal. Sina Maria Ressa ng Rappler na Journalist of the year; Atom Araullo at Bernadette Sembrano ng ABS-CBN na broadcast journalists of the year; Anthony Taberna at Nina Corpuz ng ABS-CBN bilang radio journalists of the year; Dean Raul Pangalagan para sa Philippine Daily Inquirer na Newspaper of the Year; Atty. Felipe Gozon, Jr. para sa GMA Network, Inc. na TV Station of the Year; Amb. Antonio Cabangon Chua para sa DWIZ na Radio Station of the year; si Jojo Robles ng Manila Standard na opinion writer of the year; at ang Freeman ng Cebu at Businessworld na Community newspaper at business paper of the year. Siyempre, si President/CEO Miguel Belmonte ng Philippine STAR ay nandoon din upang tanggapin ang parangal ng Philippine STAR bilang Hall of Fame Awardee sa nauna na nitong record na 5-time Newspaper of the Year. Congratulations sa lahat ng deserving awardees.

Sa forum na sumunod, naging mainit ang talakayan tungkol sa hindi maawat na pagpatay sa mga journalists sa bansa (no. 2 tayo sa Iraq sa bilang ng mediamen na napapatay) at pati rin sa paksa ng responsible journalism lalo na sa panahon ngayon kung saan maraming nakasisirang reputasyon na listahan na naglalabasan. Mismong ang mga awardee ang nagbigay ng rekomendasyon at ang nakilahok sa usapan tungkol sa tamang pamantayang dapat sundan ng mga media organizations.

Ang RCM ay dapat pasalamatan ng lipunan sa kanilang papel sa patuloy na pag-angat ng baitang ng jornalismo sa bansa.

 

Show comments