MARAMI ang nakapansin na tila napakaraming lamok ngayon, lalo na sa mga lugar ng Pasig at Tondo, ManiÂla. Sa balita sa TV Patrol, ipinakita ang pagwalis nang naÂpaÂkaraming lamok na napatay sa pamamagitan ng insecticide. Akala ko buhangin, lamok na pala! Pero siniguro naman ni DOH assistant secretary Dr. Eric Tayag na ang mga lamok ay hindi ang klase na nagdadala ng mga malulubhang sakit katulad ng malaria, chikungunya at dengue. Karaniwang lamok lamang ang tila sumabog ang populasyon. Dagdag pa ni Dr. Tayag, ang pagdami ng lamok sa mga lugar ng Pasig at Tondo ay palatandaan ng karumihan ng lugar. Alam natin na sa tubig nangingitlog ang lamok, kaya marami sigurong mga lugar kung saan may namahay na tubig. Kahit sa tansan na may tubig, buhay na ang lamok.
Ang sinisisi naman ng iba ay ang Manggahan floodway sa Pasig. Dahil sa dami ng water lily sa floodway, naging kaakit-akit sa lamok para mangitlog. Napakakapal nga naman ng water lily sa floodway, tila pwede mo nang lakaran o tayuan ng bahay. Mas mabagal ang daloy ng tubig kaya may panahon para mangitlog ang lamok. Matagal nang problema ang water lily, na indikasyon rin ng polusyon. Wala ring solusyon ang gobyerno sa pagdami ng water lily. Kapag marumi talaga ang kapaligiran, may balik, may bawi ang kalikasan sa atin.
Pero kahit hindi peligroso ang mga lamok, siguradong perwisyo pa rin. Sino ang may gustong kinakagat ng lamok? Iginiit ni Dr. Tayag ang kalinisan ng kapaligiran – mga lugar kung saan pwedeng mamahay ang tubig tulad ng mga gulong, mga lata, balde, paso, kanal na hindi na dumadaloy dahil barado na. Pero para sa ilang mga tao ay wala iyon sa kanilang bokabularyo, wala sa kanilang pagkatao ang paglinis. Kalat dito, kalat doon, iniisip na may taga-linis naman at walang pakialam sa kapaligiran. Pati sa tubig, polusyon naman dulot ng pagtatapon ng basura. Kaya ayan, dumami ang lamok. Lalong lalala pa iyan kapag pumasok na ang tag-ulan. Kaya kung ayaw maperwisyo ng lamok, maglinis ng lugar at baka mga mas peligrosong lamok naman ang dumami. Hindi ko maisip ang ganung karaming lamok na iwinawalis, na lahat may dalang peligrosong sakit!