Night market ngayong Pasko

TALAMAK at puspusan na ang bentahan ng mga double-dead meat, re-processed food at mga expired product sa mga night market habang papalapit ng papalapit ang kapaskuhan.

 Ang mga suplay, karaniwang inilalabas kapag patak ng madaling-araw kung saan wala ng mga nakaposteng awtoridad sa lugar.

 Matagal ng naglabas ng All Points Bulletin ang BITAG  sa ganitong uring modus subalit hindi ako magsasawang magbigay ng alerto at babala sa publiko.

 Ito ay para makaiwas ang mga mamimili partikular ang mga ginang ng tahanan sa mga dorobong vendor na nagbebenta at nagpupuslit ng mga nasabing produkto lalo na ngayong kapaskuhan.

 Maging mapanuri sa mga ibinibentang karne at mga processed food na nakalatag at nakabuyangyang lang sa mga malalaking palanggana.

 Nobenta porsyento, ito ang mga expired meat product     na nire-recycle o pinu-prosesong muli para maibenta at mapagkakitaan.

 Halatado kasi ng mga mamimili ang aktuwal na hitsura ng mga sira ng karne at mga spoiled processed food product kapag nakasilid pa ito sa orihinal nitong lalagyan.

 Kaya ang diskarte ng mga dorobo, tatanggalin nila sa plastik at ilalatag sa mga malalaking lalagyan. Para makatawag-pansin sa mga mamimili, iaalok nila ito ng bagsak-presyo.

 Gayunpaman, bago pa nila ito ibenta, naibabad na nila ito sa iba’t ibang seasoning, artificial food coloring, pampapaba-   go at mga pampalasa.

 Ang pobreng mamimili, walang kaalam-alam na mga recycled product  pala ang kaniyang binibili.

 Ang iba namang mapagsamantala rin, alam na nilang mga re-processed meat product ang kanilang binibili, sige pa rin sa pag-aangkat.

 Pero, hindi para ipakain sa kanilang pamilya kundi para ibenta at pagkakitaan sa mga kantina, kapiterya at mga ihaw-ihaw sa bangketa.

 Patuloy na mamamayagpag ang underground industry na ito hangga’t walang pipiyok na mga kapwa-vendor at mga may nalalaman sa ganitong aktibidades.

 Kaya rin naman malalakas ang loob ng mga putok sa buhong vendor na magtinda ng mga double-dead meat, re-processed food at mga expired product sa mga night market  ay dahil ang mga awtoridad tutulog-tulog sa pansitan.

 Ang National Meat Inspection Service at mga City Health Department na may hurisdiksyon sa lugar ang may mandato at nagmo-monitor sa ganitong aktibidades.

 

Show comments