PINABALIK sa bansa si Philippine ambassador to China Erlinda Basilio para makipagpulong sa gobyerno hinggil sa ilang isyu na nagiging sanhi ng karagdagang tensyon sa pagitan ng Pilipinas at China. Isa na rito ay ang paglagay ng 75 konkretong bloke sa Scarborough Shoal, na hinihinalang pundasyon para sa ilang istruktura na planong itayo ng mga Chinese. Hindi pa alam kung ano ang itatayo, pero malinaw na paglabag ito sa ating inaangking teritoryo na ngayon ay pakay ng isang reklamo na iniakyat na sa United Nations. Magsimula na ang pagdinig sa ating reklamo laban sa China at pag-angkin sa nasabing lugar at iba pang isla. Hindi ito kinikilala o nirerespeto ng China, at patuloy pa rin ang pag-aangkin sa halos buong karagatan. Ang Scarborough Shoal ay 220 kilometers lamang ang layo sa Zambales, habang 650 kilometers naman ang layo sa China! Hindi ko talaga alam kung paano ipagtatanggol ang kanilang pag-aangkin nito.
Siguro pag-uusapan na rin siguro ang naunsiyaming biyahe ng President Aquino sa Beijing para dumalo sa China-ASEAN Expo. Tila insulto ang ginawa ng China sa Pilipinas kung saan hindi naman daw imbitado si Aquino, o may mga kundisyon na hindi talaga mapapatupad bago payagang dumalo sa nasabing expo. Pilipinas pa man din ang “country of honorâ€, pero wala si Aquino, habang ibang presidente ay pinayagang dumalo. Hindi naman siguro tayo manhid sa mga kilos na iyan.
Nasabi ko na matinding diplomasya ang kakailanga-nin para maapula ang apoy na nagsisimula nang lumaki. Kung hindi titigil ang China sa kanilang ginagawa sa Scarborough Shoal, ano na ang magiging aksyon natin? Kapag nagtayo na ng mga istruktura, na baka pang-militar pa, paano tayo sasagot sa mga ganyang kilos? Kung hindi nila nirerespeto ang kapangyarihan ng UN sa kasalukuyang pag-aaral sa ating reklamo at pag-aangkin, para saan pa lahat iyan?
Pababalikin daw ang ambassador sa Beijing matapos ang ilang araw na pag-uusap at pakikipag-pulong. Kung ano ang mensaheng dala niya para sa gobyerno sa Beijing, sigurado malaman. Abangan!