SA mga susunod na araw, may mapapansin tayong kaibahan sa ating mga komunidad. Sisikip ang mga kalsada, dudumi ang kapaligiran, iingay sa labas, at dadami ang makulit. Malinaw na nag-umpisa na ang opisyal na panahong pangkampanya para sa mga kandidatong lokal.
Higit sa kampanya para sa pambansang posisyon na maari pang i-patay malisya, ang local campaign ay hindi talaga matatakasan. Maaring hindi ka makakapanood ng TV ad nila habang sinusubaybayan ang INA, KAPATID, ANAK, subalit oras na lumabas ka sa bahay ay aabutan ka na ng polyetos, makakarinig ka na ng lumilibot na trompa at paaalahanan ka na ni Chairman ng kung sino ang susuportahan.
Ang relasyon nating botante sa Presidente, Bise Presidente at mga Senador ay medyo malayo di tulad ng relasyon natin sa ating kongresista at lokal na opisyal. Dahil sa liit ng distritong sakop ng mga ito, pwersadong makasalamuha at makadaupang palad natin si Congressman, si Gob at si Mayor. Ninong sa kasal, sa binyag, takbuhan pag may problema.
Higit din sa bakbakang nasyonal, mas madugo ang bakbakang lokal. Dahil direktang nakikinabang ang mga botante sa kanilang sinusuportahang opisyal, nagiging mas malalim ang emosyong umiiral. Kaya nga marami ang nasasaktan sa lokal – dahil mas nagkakainitan.
Kapag ang mga kandidato rin mismo ang nakikilahok sa masakit na palitan, siyempre lalong lalala ang pag-init ng dugo. Madalas, lalo na sa probinsya, ang ganitong asaran ay nauuwi sa pananakit. Kaya may mga hotspot nang naturingan ang Comelec dahil may rekord na ang mga political families na pinepersonal ang laban.
May ganito ring bangayan sa Metro Manila. Kaya nga lang ay iba ang kultura dito – tinuturing na part of the game ang asaran na kahit gaano pa kasakit at kadumi ang ipukol sa iyo, hindi ka dapat mapikon. Kung hindi mo kayang ngitian lang ang ibinatong putik, ang tingin sa iyo’y mahinang klase. Pikon talo.
Kaya natutuwa lang kami pag nakakapanood ng sparring tulad ng kina President Estrada at Mayor Lim. Gaano man kainit umabot ang kanilang lambingan, alam natin na part of the game lang yan – bahagi ng kultura ng eleksyon sa Pilipinas.