Mayor Lim, pakihambalos sina Tata Rey at Mandy!

SAYANG ang programa ni Manila Mayor Alfredo Lim sa mga naghihikahos niyang kababayan. Mayroon kasing mga nakapaligid sa kanya na nanghaharibas at lumulumpo sa vendors. Katulad na lamang sa nangyaring pambabraso ng mga tiwaling kolektor umano ng Manila City Action Center (MCAT) at MPD Ermita Police Station sa ilang tindera sa paligid ng National Bureau of Investigation (NBI). Walang sinasanto sina Tata Rey at Mandy Villanueva sa sidewalk vendors sa paligid ng NBI. Si Tata Rey ay ginagasgas ang malinis na pangalan ni dating police Supt. Franklin Gacutan, ang hepe ng MCAT. Samantalang si Mandy Villanueva naman ay pinanga­ngalandakan ang pangalan ni Supt. Ferdinand Quirante ng Station 5. Malinaw pa sa sinag ng araw na kaya pala patuloy na nagsusulputan ang sidewalk vendors sa UN Avenue ay dahil gatasan ng  mga kolektor ng MCAT at Ermita Police Station. Kumukolekta ang MCAT at Ermita Police Station ng P200 kada Biyernes. Susmaryusep!

Ang masakit pa nito tinutuluyan ng dalawang kolektor sa kulungan ang vendors na hindi makapagbigay ng lingguhan. Katulad na lamang ng  sinapit ni Aling Feli na nang hindi makapagbigay ng P200 sa dalawang kolektor ay pinakulong. Pinagbintangan na nagtitinda ito ng mga pekeng cedula e samantalang diyaryo at sigarilyo lamang ang tinda nito. Kaya ang kaawa-awang matanda ay nakapangutang ng 5-6 sa Bombay upang maipiyansa sa kanyang pansamantalang kalayaan. Hindi lamang diyan nagtatapos ang paghihimutok ni Aling Feli dahil nang makalaya ay agad siyang sinugod ni Mandy Villa­nueva sa puwesto at binulyawan, “Umalis ka na diyan sa puwesto mo, ayaw ni Col. Quirante na magtinda ka pa riyan.” Maging ang pamangkin ni Aling Feli na nagpapaupa ng sapatos sa mga NBI applicant ay kinikikilan din ng dalawang mokong.  Susmaryusep naman kahit ang kaunting pinagkakakitaan ng mga naghihikahos na Manilenos ay hindi ligtas sa pangingikil.

Sa pagkakaalam ko mga suki, niluwagan ni Mayor Lim ang pagtrato sa mga sidewalk vendors upang makapaghanapbuhay ang mga ito nang marangal. Ngunit bakit ang lalakas ng loob nina Tata Rey at Mandy Villanueva na sirain ang mabuting programa ni Mayor Lim. Kaya tuloy malakas ang usap-usapan na ginigiba ni Tata Rey at Mandy Villanueva si Mayor Lim. Pakihambalos nga po Mayor Lim ng dalawang kolektor para hindi sila pamarisan. Abangan!

Show comments