Operator, driver ng taxi sa viral overcharging sa NAIA, kinasuhan ng LTO
MANILA, Philippines — Kinasuhan na ng Land Transportation Office (LTO) ng kasong kriminal ang operator at driver ng nag-viral na taxi sa social media dahil sa mataas na pasahe na sinisingil nito sa kanyang pasahero na umabot ng P1,300 para sa short trip mula lamang NAIA Terminal 1 papuntang NAIA Terminal 2.
Ayon kay LTO Chief Atty. Vigor Mendoza II, kasong paglabag sa Public Service Act ang naisampa sa Pasay City Prosecutor’s Office laban sa driver at operator kaugnay nang insidente
Binigyang-diin ni Mendoza na ang pagsasampa ng kaso ay resulta nang ginawang imbestigasyon na ang taxi sa video ay rehistrado bilang private vehicle at hindi isang pampasaherong sasakyan.
Sa imbestigasyon, inamin ng driver na siya ay nag-overcharge sa kanyang pasahero noong Hunyo 11 mula sa NAIA Terminal 2 papuntang Terminal 3. Dito nalaman din ng LTO na illegal na nagsasakay ng pasahero ang sasakyan kahit hindi rehistratdo bilang public utility vehicle.
Sinabi ni Mendoza na may malakas na ebedensiya ang LTO para mapanagot ang mga responsable sa kaso.
Kaugnay nito, nanawagan si Mendoza sa publiko na agad ipaalam sa LTO at DOTr ang anumang ganitong insidente at iba pang pang-aabuso ng mga motorista lalo na sa mga pampasaherong sasakyan para maparusahan.
- Latest