Transport group humirit ng P8K monthly subsidy
MANILA, Philippines — Umapela ang transport group na Manibela na gawing P8,000 kada buwan ang ipagkaloob na fuel subsidy ng pamahalaan para sa mga pampasaherong sasakyan.
Ayon kay Mar Valbuena, chairman ng Manibela, ito’y upang makatulong sa malaking gastusin ng mga driver dahil sa sobrang taas ng presyo ng gasolina at presyo ng mga pangunahing bilihin.
Aniya noong nakaraang taon ay umaabot sa P6,500 ang naibigay sa kanilang fuel subsidy ng pamahalaan subalit minsan ay bawas na ito at umaabot na lamang sa P4,000 hanggang P5,000 lamang.
Sinabi ni Valbuena na kung seryoso ang pamahalaan na makatulong sa mga PUV drivers ay mas magiging malaking pakinabang kung P8,000 kada buwan ang ibibigay sa kanila at walang bawas.
Una nang inutos ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa LTFRB na pagkalooban ng fuel subsidy ang mga PUV drivers dulot ng epekto ng pagsirit ng presyo ng petrolyo.
Nilinaw naman ni LTFRB Spokesperson Atty Ariel Inton, isasalang pa sa pagbusisi ng LTFRB board kung saan inaalam kung magkano ang ibibigay na fuel subsidy sa mga PUV drivers.
- Latest