Accredited taxi sa airport ipinabubuwag ng DOTr
MANILA, Philippines — Ipinabubuwag na ni Department of Transportation (DOTr) Vince Dizon ang special accredited taxis sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) upang maiwasan ang pananamantala sa mga pasahero sa overcharging at tongpats.
Kasunod ito ng nabuking na 60/40 na hatian at sabwatan sa pagitan ng mga mapagsamantalang driver ng special accredited taxis sa pag-pick-up ng mga pasahero na nabiktima ng overcharging.
Isa ang naaresto sa reklamo ng pasahero na siningil siya ng P5,000 mula NAIA terminal 1 patungo sa NAIA terminal 2 noong Huwebes, na naging daan upang mabunyag ang paninindikato ng mga tiwaling taxi driver at airport police.
Samantalang bunga nito ay limang airport police sa ilalim ng Manila International Airport Authority (MIAA) ang sinibak dahil sa diumano’y pagkakasangkot sa nasabing extortion scheme habang patuloy pa ang imbestigasyon.
Ang planong ito ay tatalakayin ni Dizon sa MIAA, airport operator na New NAIA Infra Corp. (NNIC), at sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB).
Samantala, sinabi ng NNIC na nag-imbestiga na sila ang insidente ng overcharging at natukoy nila na hindi accredited transport providers sa airport ang sangkot at nangako na rerepasuhin ang mga patakaran upang mas higpitan ang transport protocols. Ipinabatid naman ng NNIC sa mga pasahero sa airport na may mga libreng shuttle bus na kada 15 minuto ay nagsasakay ng mga pasahero upang hindi na mag-book pa ng taxi.
Kaugnay nito, nagsagawa naman si Dizon ng sorpresang pagiinspeksiyon sa taxi services sa NAIA Terminal 3 nitong Sabado ng umaga dahilan sa nasabing katiwalian na naglalayong matuldukan ito.
- Latest