San Juan LGU nagtakda ng ‘Basaan Zone’ sa Watta Watta
MANILA, Philippines — Inanunsiyo ni San Juan City Mayor Francis Zamora na nagtalaga ang lokal na pamahalaan ng ‘Basaan Zone’ para sa nalalapit na pagdaraos ng ‘Wattah Wattah Festival’ sa Hunyo 24, Martes, sa pagdiriwang ng araw ng kapistahan ni St. John, The Baptist.
Ayon kay Zamora, alinsunod sa revised City Ordinance No. 14, Series of 2025, ang basaan ay isasagawa lamang sa Pinaglabanan Road, sa pagitan ng P. Guevarra St. at N. Domingo St. sa San Juan, gayundin sa bisinidad ng Pinaglabanan Shrine, mula 7:00AM hanggang 2:00PM lamang.
Aniya, layunin ng naturang hakbang na matiyak ang kaayusan at kapayapaan ng naturang okasyon at upang hindi na maulit ang kaguluhang nangyari sa okasyon noong nakaraang taon. Magpapakalat sila ng mahigit 300 pulis sa lugar na siyang magpapanatili ng kaayusan at magmo-monitor sa loob at labas ng designated zone.
Nagpaalala rin naman si Zamora na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang paggamit ng maruming tubig sa pambabasa, gayundin ang paggamit ng ‘water bombs’ o yaong tubig at yelo na nakalagay sa plastik, bote o anumang lalagyan, na maaaring magresulta sa pananakit o pagkasugat.
Hindi rin aniya pinahihintulutan na buksan ang mga pinto ng sasakyan o pagpasok sa loob ng isang bukas na sasakyan upang mambasa ng tubig, gayundin ang pananakit o pagbabanta, pag-akyat, at pag-uga sa isang sasakyan.
Ipatutupad din ang liquor ban sa buong lungsod, mula 12:01AM hanggang 2:00PM ng Hunyo 24 kung saan ang pagbebenta at pagkonsumo ng alcoholic beverages sa mga pampublikong lugar, kabilang ang groceries, supermarkets, restaurants, at sari-sari stores, ay mahigpit na ipinagbabawal.
- Latest