100 Chinese na POGO workers ipina-deport

MANILA, Philippines — Ipinatapon na kahapon ng Bureau of Immigration (BI) ang nasa 100 Chinese na pawang mga illegal POGO workers alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na tiyakin ang mahigpit na pagsunod sa mga batas sa imigrasyon.
Ayon kay BI Commissioner Atty. Joel Anthony Viado, mula sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1, isinakay ang mga deportees sa Shanghai-bound Philippine Airlines flight nitong Martes ng umaga.
Nasa kustodiya ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang nasabing mga manggagawa ng POGO matapos silang kasuhan ng BI dahil sa paglabag sa immigration laws.
Sila ay naaresto sa magkahiwalay na operasyon sa Pasay, Cavite, at Parañaque noong unang bahagi ng taong ito.
Pinasalamatan ni Viado ang PAOCC sa pakikipagtulungan sa kampanya laban sa mga ilegal na dayuhang manggagawa.
Inulit ni Viado ang pangako ng ahensya sa pakikipagtulungan sa iba pang mga katawan ng gobyerno upang wakasan ang mga ilegal na operasyon ng POGO sa bansa.
- Latest