2 Bugaw tiklo ng NBI, 11 kababaihan nasagip

MANILA, Philippines — Inaresto ng mga elemento ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang bugaw matapos maghatid ng 11 kababaihan kabilang ang apat na menor- de edad para sa sexual services, sa isang resort, sa Marilao, Bulacan, noong nakaraang linggo.
Sa ulat na isinumite kay NBI Director Judge Jaime Santiago, idinulog sa kanila ng Destiny Rescue Philippines, Inc,. ang natuklasan ang illegal na aktibidad ng dalawang babaeng bugaw na nakabase sa Bulacan.
Ikinasa ang entrapment operation ng NBI-Organized Transnational Crime Division (OTCD), kasama ang kinatawan ng Destiny Phils. Inc matapos ang isinagawang surveillance.
Unang nakipagtransaksyon ang mga awtoridad sa dalawang suspect na nagdala ng dalawang babae na may presyong P3,000 bawat isa, na hindi muna itinuloy sa katwiran na ituloy na lamang sa Hunyo 4, 2025 para sa idaraos na party sa isang private resort.
Sa petsang nabanggit, 11 kababaihan ang dinala ng mga suspect sa isang resort, sa Marilao, Bulacan at naningil ng kabuuang P33,000.00 na naging dahilan upang sila ay arestuhin. Nadiskubre ang apat sa traffick victims ay menor-de-edad, dalawa ang magkapatid, at ang isa naman ay mismong anak ng isa sa suspect.
Dinala sa Marilao Social Welfare Development Office ang nasagip na mga biktima habang isinailalim sa inquest proceedings ang mga suspect sa Malolos Provincial Prosecutor’s Office sa reklamong paglabag sa Section 4 in relation to Section 6 ng Qualified Trafficking in Persons ng Republic Act 9208 (Anti-Trafficking in Persons Act of 2002), na inamyendahan ng RA 10364 (expanded Anti-Trafficking in Persons Act of 2002) in relation to Section 6 ng RA 10175 (Cybercrime Prevention Act of 2012).
- Latest