500 Pulis ide-deploy sa mga paaralan sa Quezon City

MANILA, Philippines — Limangdaan (500) tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang ide-deploy sa mga malalaking paaralan sa Quezon City sa pagbabalik eskuwela ng mga estudyante bukas (Hunyo 16 ).
Ayon kay Police LTCol. Vicente Bumalay Jr., acting District Office Director ng QC Police District, maglalagay sila ng Police Desk Assistance sa malalaking paaralan sa simula ng pasukan partikular sa Judge Feliciano Belmonte Sr. High School, Payatas High School,Pinyahan Elementary School na may malalaking bilang ng mag-aaral upang mapanatili ang kaayusan ng pasukan.
Samantalang mayroon din silang itatalagang foot patrol at mobile patrol units para umalalay sa pasukan.
“Naglagay kami ng police assistance desk sa malalaking shools at the same time may tao kami para sa enhanced police presence, yung mga mobile patrol at motorcycle patrol at beat patrol natin ay handa na para sa pasukan” dagdag ni Bumalay Jr.
Una rito, iniulat ng City Schools ng Quezon City na handa na sila sa pasukan sa lunes, maging ang mga silid aralan, mga guro para sa inaasahang higit 500,000 mag-aaral na dadagsa ngayong pasukan sa lungsod.
Nakapamahagi na rin ang QC LGU ng mga learning kits sa lahat ng mga paaralan sa QC para sa mga mag aaral sa lungsod mula district 1 hanggang District 6. Ang QC LGU ay nananatiling suportado sa mga pangangailangan ng mga mag-aaral sa mga paaralan sa Quezon City gayundin ng mga kailangang gamit ng mga guro at dagdag na pasilidad para sa mahusay na kalidad ng edukasyon sa lungsod.
- Latest