NHA, namahagi ng libreng bigas sa ika-50 anibersaryo

MANILA, Philippines — Bilang bahagi ng pagdiriwang ng ika-50 Anibersaryo ng National Housing Authority (NHA), namahagi ang ahensiya ng libreng bigas para sa mga benepisyaryo ng Pabahay ng ahensiya sa Bulacan at Valenzuela City.
Sa direktiba ni NHA general Manager Joeben Tai, pinangunahan ni Bulacan District Office Officer-In-Charge Ar. Ma. Jeriel M. Michael ang pamamahagi ng libreng bigas sa mga benepisyaryo ng Pabahay sa San Jose del Monte Heights sa Bulacan at pinangunahan naman ni Assistant General Manager Alvin Feliciano ang parehong aktibidad sa Disiplina Village Bignay, Valenzuela City.
Ang bawat benepisyaryo ay nakatanggap ng limang (5) kilong bigas bilang bahagi ng patuloy na pagtutulungan ng NHA at National Food Authority (NFA) upang suportahan ang mga housing communities na magkaroon ng sapat na pagkain sa buong bansa.
“Hangad namin na sa simpleng 5 kilong bigas, amin kayong natulungan. At sa selebrasyon ng aming ika-50 anibersaryo, sinisiguro naming maramdaman ninyo ang pagkalinga ng aming ahensya at ng pamahalaan.” ayon kay NHA AGM Feliciano.Kabilang sa maraming programa ng NHA, may iba pang inisyatiba ang ahensiya tulad ng paglulunsad ng People’s Caravan, pagtatayo at pagsuporta ng kabi-kabilang KADIWA ng Pangulo, at ang paghahatid ng bigas sa NHA resettlement sites.
Matapos ang pagpapalawig ng Charter nito para sa 25 pang taon, muling pinagtitibay ng ahensya ang pangako nitong iangat ang buhay ng mga pamilyang Pilipino sa pamamagitan ng inclusive at community-centered services ayon sa mga programa ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr. para sa isang “Bagong Pilipinas.”
- Latest